Mapapanood na sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5 simula Mayo 25
Inilahad nina Kim Chiu at Paulo Avelino ang totoong kwento sa likod ng viral nilang “cabinet kissing scene” sa Viu original adaptation na “What’s Wrong With Secretary Kim,” na ngayon ay mapapanood na rin sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Sa ginanap na official poster reveal para sa TV airing ng “What’s Wrong With Secretary Kim,” inamin ng dalawa na naka-isa o dalawang takes lang sila para sa naturang eksena kung saan naghalikan ang kanilang mga karakter habang nakaupo sa loob ng isang cabinet.
“Isa or dalawa siguro para doon sa backshot. Ayaw naming mapahiya kaya ginandahan na rin namin ni Direk Chad (Vidanes) para sa viewers,” sabi ni Paulo.
Inamin din ni Kim na tinodo na niya ang paghalik sa karakter ni Paulo dahil ayaw niyang mabigo ang fans. Sinabi rin niyang pinag-isipan talaga nila kung paano gagawin ang eksena na ikaka-proud ng mga Pilipino.
“Siyempre, hindi pa nagsisimula 'yung ‘Secretary Kim’ ‘yan na ‘yung iniisip na palabas ng fans talaga ng show. Na ‘naku, eto ha, aabangan talaga namin ito kasi very iconic ‘to!’ Na-pressure kami kaya naisip namin na sana hindi natin ma-fail. Sana may maibubuga rin ‘yung Philippine version,” kwento ni Kim.
Nagpasalamat din ang KimPau sa patuloy na pagtangkilik ng mga manonood sa serye na laging nagte-trending online dahil sa mga nakakakilig na eksena nina Secretary Kim (Kim) at BMC (Paulo).
“Overwhelming ‘yung mga nangyayari na ang daming natutuwa at nasisiyahan. I’m very thankful and grateful na mag-two months na rin itong napapanood ng mga tao and hindi nila kami binibitawan. Patuloy silang nakasubaybay sa palabas namin,” ani Kim.
Mas lalo naman mabubusog ang KimPau fans sa tambalan nila dahil araw-araw nang mapapanood sina Kim at Paulo sa TV. Manggigil kina Victor (Paulo) at Juliana (Kim) gabi-gabi sa “Linlang: The Teleserye Version,” at kiligin naman kina Sec. Kim at BMC kada Sabado at Linggo sa “What’s Wrong With Secretary Kim” simula Mayo 25.
Mapapanood ang “What’s Wrong With Secretary Kim,” na mula sa Viu at ABS-CBN Studios at sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment, kada Sabado ng 7:15 PM sa Kapamilya Channel at A2Z at ng 8 PM sa TV5, at kada Linggo ng 7 PM sa Kapamilya Channel at A2Z, at ng 8:15 PM sa TV5.
Patuloy naman napapanood nang libre ang “What’s Wrong With Secretary Kim” sa Viu sa pamamagitan ng Viu app o maaaring bisitahin ang www.viu.com. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (dating Twitter), TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.