Along with the Media Company of the Year honor, Kapamilya shows and personalities were also recognized during the awards ceremony held last June 14
Kinilala rin ng LPU–Batangas ang ABS-CBN News, pati ilang Kapamilya shows at personalities
Itinanghal muli ng Lyceum of the Philippines University–Batangas sa ikapitong sunod na taon ang ABS-CBN bilang Media Company of the Year, bilang pagkilala sa mga kontribusyon nito sa larangan ng entertainment, pagbabalita, at serbisyo publiko sa nagdaang 2024 Golden Laurel: The Batangas Province Media Awards.
Bukod sa parangal na ito, nagwagi rin ang ilan pang programa at personalidad ng ABS-CBN. Kabilang dito ang hit noontime show na "It's Showtime" bilang Best Variety Show, habang ang singing competition nitong "Tawag ng Tanghalan" ay itinanghal din bilang Best Entertainment Show (Segment).
Wagi naman ang primetime serye na "Can't Buy Me Love" bilang Best Drama Series, pati ang lead stars nitong sina Donny Pangilinan at Belle Mariano na kinilalang Best Drama Actor at Actress of the Year. Hinirang din sina Maris Racal at Anthony Jennings bilang Breakthrough Loveteam of the Year para sa kanilang SnoRene tambalan.
Hindi rin nagpahuli ang Nation's Girl Group na BINI na kinilala ng Lycean community bilang Breakthrough P-Pop Group para sa kanilang kontribusyon sa OPM at pagkilala sa international scene.
Samantala, nag-uwi rin ng mga parangal ang ABS-CBN News matapos muling hirangin na Online News Website of the Year ang news.abs-cbn.com, habang ikasunod ding Female Newscaster of the Year ang ipinanalo ng "TV Patrol" anchor na si Bernadette Sembrano.
Kinilala rin ang Kapamilya host na si Luis Manzano sa kanyang angking talento sa pagiging digital content creator matapos magwagi ng Innovative Content Creation Award para sa kanyang online show na "Luis Listens."
Inorganisa ng LPU-Batangas sa ikapito nitong taon, layunin ng Golden Laurel Awards na kilalanin ang mga institusyon, palabas, at personalidad na nagbigay ng malaking kontribusyon sa industriya ng entertainment sa Pilipinas.
Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang
www.abs-cbn.com/newsroom.