News Releases

English | Tagalog

Baby Giant at "It's Showtime" kids, bibida sa pagbabalik ng "Goin' Bulilit"

June 28, 2024 AT 10:51 AM

 Tampok ang bagong henerasyon ng child stars at klasik segments

 

Magbabalik na ang kinagiliwang kiddie gag show ng ABS-CBN na “Goin’ Bulilit,” sa pangunguna ng “FPJ’s Batang Quiapo” star na si Baby Giant at “It’s Showtime” kids na sina Argus, Kulot, Imogen, Jaze, at Kelsey sa pinakabago nitong season na mapapanood simula Hulyo 1 (Lunes) sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, ALLTV, A2Z, at iWantTFC.

Ibinahagi ni Baby Giant, na gumaganap bilang Oweng sa “FPJ’s Batang Quiapo,” na tinuturing niyang blessing ang mapasama sa iconic Kapamilya show. Nagpahayag din siya ng pasasalamat kay Coco Martin sa pagpayag nitong mapabilang siya sa bagong season ng "Goin Bulilit."

"Sabi niya (Coco) na para sa akin ito. Super supportive po siya sa akin. Super thankful po ako mapasama sa 'Goin Bulilit.' Para po sa akin, ito po ay isang big opportunity," sabi niya. 

Makakasama niya rito sa "Goin Bulilit" ang “It's Showtime” kids na sina Argus, Jaze, Imogen, Kulot, Kelsey, Enicka, at Briseis. Mapapanood din natin ang iba pang future child stars na sina Ahmad, Calvin, Christan, Clave, EJ, JC, Jeremiah, John, Jordan, Lucas, Ludwig, Miguel, Rhys, Scott, Stanley, Stephen, Tyrone, Wardell, Alessandra, Alondra, Alynna, Amarah, Ayesha, Chastity, Dani, Elisha, Elle, Erin, Fae, Graciela, Kylie, Kendall, Mais, Mary, Miho, Nashrifa, Scarlet, Sebreenika, Selena, Sheerina, Stephanie, Valerie, at Zoe.

Lubos naman ang kasiyahan ng “Goin’ Bulilit” director at creator na si Direk Bobot Mortiz sa muling pagbabalik ng show sa online at free TV.

“Nakakatuwa naman at maraming excited na mga bata kasi ang tagal din nawala ng ‘Goin’ Bulilit.’ Siguro hindi natuloy noon, kasi heto na talaga ‘yung tamang oras,” sabi niya sa isang panayam sa “TV Patrol.”

Nagbabalik din naman sa bagong season ng show ang mga iconic segment tulad ng “Ano Daw?”, “Noon at Ngayon,” “Good News, Bad News,” at "GB Patrol." Panoorin din ang spoof nila sa seryeng "Batang Quiapo" na pinamagatang "Baby Quiapo" at talk show spoof naman sa "Magandang Buhay" na may titulong "Magandarang Buhay." 

Abangan naman ang pagbisita ng mga dating miyembro ng cast na sina Nash Aguas at Mika Dela Cruz sa unang linggo ng “Goin’ Bulilit.” 

Abangan ang pinakabagong batch ng talentadong young stars sa "Goin Bulilit" na magdadala ng saya at tawanan mula Lunes hanggang Linggo simula Hulyo 1 bago ang "TV Patrol" sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, ALLTV, at iWantTFC.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE