Gerald at Sam, susubukan ang talino, diskarte, at swerte sa game show...
Magsisimula na ngayong weekend ang pinakabago at pinaka-colorful game show ng bansa na "Rainbow Rumble" sa pangunguna ng Pambansang Host at Rumble Master na si Luis Manzano ngayong Sabado (Hulyo 20).
Ibinahagi ni Luis ang kanyang excitement sa pagho-host muli ng isang original format, "Nakaka-proud na maging part ng isang show na gawa ng Pilipinas. It’s very refreshing para sa akin."
Ididirehe ni John Prats at co-produced ng 3NITHINK, makakasama ni Luis sa unang episode ang magkakaibigan na sina Gerald Anderson, Sancho de las Alas,Marc Solis, Jalal Laidan, at Sam Milby na susubukan ang kanilang swerte, talino, at diskarte para sagutin ang mga tanong ni Luis at manalo ng isang milyong piso.
Sa unang round na pinamagatang 'Rally to the Top,' mag-uunahan ang limang rumblers masagot ng tama ang tanong ni Luis hanggang sa marating nila ang peak ng pyramid na tri-colored tile. Sa bawat tamang sagot, may tsansa silang i-roll ang dice sa die roller machine para malaman ang kulay ng tile na kanyang lilipatan. Makukuha rin nila ang premyo ng nasabing tile. Sa panahong magkakaroon ng tie sa isang tile ay kailangan nilang sumagot ng isang 'tile breaker question.'
Ang maswerteng rumbler na mangunguna sa elimination round naman ay tatawid as jackpot round na "Rainbow Reveal," kung saan kailangan niyang makuha ang anim na iba-ibang kulay na dice sa loob ng 60 segundo para manalo ng isang milyong piso. May tsansa naman na dumami ang kanyang segundo kapag nasagot niya ng mabilis ang hinandang 'Rapid Rumble' questions ni Luis.
Magdadagdag kasiyahan naman kasama ni Luis ang kanyang ka-rambol na si Negi.
Maki-sagot na nga sa tanong at alamin kung sweswertihin kaya ang isa sa grupo nina Gerald at Sam na makuha ang isang milyong pisong jackpot prize sa pilot weekend ng programa. Abangan ang "Rainbow Rumble" ngayong Sabado, 7:15PM, at Linggo, 8:15PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at TV5.