News Releases

English | Tagalog

Julia, Janice, at Sharon papaiyakin ang viewers sa "Saving Grace"

July 19, 2024 AT 04:15 PM

Kasama rin sa serye sina Sam, Jennica, at Christian

Tagos sa pusong mga karakter ang gagampanan nina Julia Montes, Janice De Belen, at Sharon Cuneta para sa una nilang ABS-CBN teleserye na magkakasama-sama para sa “Saving Grace,” ang Philippine adaptation ng hit Japanese drama na “Mother” mula sa Nippon TV.

Sa teasers pa lang ng serye na ipinasilip, agad na naiyak ang viewers sa mensahe ng kwento na iikot sa child abuse at domestic violence. Inaabangan din kung paano bibigyang-buhay nina Julia, Janice, at Sharon, kasama ang mga co-star nilang sina Sam Milby, Jennica Garcia, at Christian Bables, ang kani-kanilang mga karakter. 

“Ang ganda ng lesson and story na gustong sabihin ng serye. Lagi kong tanong kung kaya ko pa ba kasi nate-tense din ako. Kailangan abangan ‘yung mga batuhan ng linya na magaganap,” sabi ni Julia na gagampanan ang papel bilang si Anna, ang guro na mapapamahal sa batang inaabuso. 

Extra special din ang serye para kina Janice at Sharon dahil ito ang unang beses nilang magka-katrabaho sa isang proyekto. 

“Napanood ko ‘yung original and in fact, naiyak nga ako kaya alam ko na agad na heavy drama siya. Siyempre gusto kong maka-eksena si Mega. Because I know people are also waiting to see how our dynamic is going to be given our colorful past,” ayon kay Janice. 

“I promise I will give my best in this project, lalo na since dalawang taon akong nagpahinga sa TV. I’m really excited kasi ‘yung ibang cast first time kong makakasama,” sabi naman ni Sharon tungkol sa kanyang pagbabalik-teleserye.

Makikilala rin sa serye si Zia Grace bilang si Grace, ang pinakabagong child actor na dudurog sa puso ng mga manonood sa pagganap niya bilang isang inaabusong anak na naghahanap ng pagmamahal ng isang ina. 

Excited na rin ang viewers para sa serye matapos ilabas ng ABS-CBN ang ilang videos na ipinapakita ang unang araw ng taping ni Julia, pati na rin ang look test, behind-the-scenes photos, at script reading preparations ng cast.

Kabilang din sa “Saving Grace” sina Sophia Reola, Eric Fructuoso, Adrian Lindayag, Aya Fernandez, Mary Joy Apostol, Andrez Del Rosario, Fe de los Reyes, at Elisse Joson. Magsisilbing mga direktor naman sina FM Reyes at Dolly Dulu.

Abangan ang “Saving Grace” sa Primetime Bida sa darating na 2025. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.