Mas maraming Pilipino pati na ng mga taga USA, Canada, at Middle East ang tumatangkilik sa unang episode ng pagbabalik ng kauna-unahang queer reality dating reality show ng bansa na "Sparks Camp" sa panibagong season dahil sa panibagong campers nito at galing ni Mela sa pagho-host.
Sa ngayon umabot na sa higit 200,000 views ang pilot episode mula ng umere ito noong Miyerkules at umpisa pa lang ay may naglabas na ang netizens ng kanilang mga paborito tulad nina Pipoy Oreiro, Miggy Ruallo, Martin Chua, at Ejay Dimayacyac.
Ayon nga sa LGTQIA+ icon at Mother Sparker ng show na si Mela Habijan, asahan daw na hindi lang kilig ang mapapanood ng viewers kundi rin ang pagkilala ng campers sa kanilang mga sarili na paniguradong makaka-relate ang lahat.
"What is exciting about this season is hindi na lang siya quest for love but also about discovering and re-discovering who you are. Yun yung nakita ko sa campers this season na binuksan ang kanilang mga sarili. Because I think through their strong and vulnerable points doon makikita yung dahilan kung bakit sila kamahal-mahal," saad niya.
Sinabi naman ng direktor ng Sparks Camp na si Theodore Boborol na mas makikilala din ng manonood ang campers dahil mas makikita nila ang pamumuhay ng mga ito sa camp bukod sa challenges at pagbabahagi ng kanilang sarili sa sharing nila kasama si Mela. Dagdag naman ng producer na si Patrick Valencia at writer na si Hyro Aguinaldo na dapat abangan ang bagong season sa mga hinanda nilang pasabog at mas mahabang episodes.
Sa susunod na episode malalaman nga kung sino-sino sa campers na sina Allan Pangilinan, Ejay Dimayacyac, Kyle Adlawan, Martin Chua, Miggy Ruallo, Pipoy Oreiro, Universe Ramos, at Zuher Bautista ang makakakuha ng kanilang unang spark.
Mas kilalanin din sila sa kani-kanilang kwento at kung sino-sino sa kanilang ang lalabas ng camp na may kasamang kapareha.
Panoorin ang "Sparks Camp" Season 2 tuwing Miyerkules, 8PM sa YouTube channel ng Black Sheep.