BINI, Maki, Maymay, atbp., nominado!
Nasungkit ng recording artists ng ABS-CBN Music ang 31 nominasyon mula sa prestihiyosong 37th Awit Awards na nakatakdang maganap ngayong taon.
Limang nominasyon ang natanggap ng BINI para sa awiting “Pantropiko” kabilang na ang Song of the Year, Record of the Year, Best Performance by a Group, Best Pop Recording, at Best Engineered Recording. Kinilala naman ang kanilang “Karera” single sa mga kategoryang Best Inspirational Recording at Best Music Video.
Kabilang din ang viral hit ni Maki na “Saan?” sa Song of the Year at Best Pop Recording nominees. Samantala, ang “Manila In Bloom” album ng Nameless Kids ay nominado para sa Album of the Year.
May apat namang nominasyon na nakuha si Maymay kasama ang Best Global Collaboration Recording at Best Remix Recording para sa “Autodeadma” kung saan tampok si Wooseok ng Pentagon at Best Regional Recording at Best Engineered Recording para sa kantang “Tsada Mahigugma.”
Tatlong baguhang Kapamilya singers naman ang maglalaban sa Best Performance by a New Solo Artist kasama pa ang iba pang nominado: sina JEL REY para sa “hele pono,” Misha de Leon para sa “Damdamin,” at Lyka Estrella para sa “Hawak Mo.”
Nominado rin ang “It’s Showtime” kids na sina Imogen, Kulot, at Lucas para sa Best Recording by a Child or for Children para sa kanya-kanyang awitin: “Mini Miss U” ni Imogen, “Clap Clap Clap” ni Kulot, at “Learn The 1,2,3” ni Lucas.
Ang ABS-CBN Christmas ID theme song noong 2023 na “Pasko ang Pinakamagandang Kwento” ay kasama naman sa mga nominado para sa Best Christmas Recording.
Ilan pa sa mga nakatanggap ng nominasyon mula sa ABS-CBN Music ay sina Jamie Rivera, Jed Madela, Francine Diaz, at KD Estrada para sa awiting “Faith, Hope, and Love” (Best Inspirational Recording) at Troy Laureta, Sheryn Regis, at Wendy Moten para sa “Come In Out of the Rain” (Best Global Collaboration Recording). Ang bersyon ni Troy ng “Kay Ganda ng Ating Musika” ay nominado rin sa Best Musical Arrangement category kasama ang “Dirty Linen” theme song na inareglo nina Rommel at Idonnah Villarico.
Kabilang din sa mga nominado ang “Be Mine” nina Akira at JL ng BGYO na inawit para sa “Senior High” (Best Original Soundtrack Recording). Pasok din sa Best Novelty Recording category ang “Ms. Ukay” ni Kim Chiu habang ang “Bibitaw Na” ni Darren ay nominado para sa Best Engineered Recording.
Ilan pa sa nakatanggap ng nominasyon ang P-pop group na 1621BC para sa awiting “Laruan” (Best Performance by a Group) at si Yosha Honasan para sa “Karakaraka” (Best Jazz Recording). Nakasama rin ang “Autumn” nina Ben&Ben at Belle Mariano sa mga maglalaban-laban para sa Best Remix category.