Minanifest ang nominasyon sa Awit Awards
Pagkakaroon ng kaibigan na maasahan sa gitna ng pagkailang sa maraming tao ang ibinahagi ng Kapamilya singer-songwriter na si Jel Rey sa bagong awitin na “Naiilang.”
Isinulat mismo ni Jel Rey ang indie-pop na awitin na tungkol sa relatable experience ng pagiging awkward sa harap ng mga tao at kagustuhan na maging komportable sa tabi ng espesyal na kaibigan. Iprinodyus naman ito ni StarPop label head Roque “Rox” Santos.
Nitong nakaraang taon, inilunsad ni Jel Rey ang extended play (EP) na “TERAPEWTIKA” tampok ang mga awitin na “Nasa Alapaap Ang Paraluman” at “hele pono” na isa sa mga nominado bilang Best Performance by a New Solo Artist sa 37th Awit Awards.
“Naalala ko last year, when I first heard the final mix of my song, jino-joke ko yung friend ko na ‘pre pang-Awit Awards talaga ‘to’ tapos ngayon, I actually got nominated. Manifestation really works,” saad ni Jel Rey sa kanyang TikTok post.
Inilarawan ng StarPop artist ang kanyang writing style bilang adventurous na sumusubok ng iba’t ibang genre tulad ng rock, hip hop, at soul. Iba’t ibang content din ang ibinabahagi niya sa TikTok tulad ng kanyang musika, performance, at songwriting process.
Available na ang bagong awitin ni Jel Rey na “Naiilang” sa iba’t ibang streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang StarPop sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.