News Releases

English | Tagalog

Kim at Paulo, mapusok sa pag-ibig, madaming sikreto sa "The Alibi"

November 05, 2025 AT 01:38 AM

Eksklusibong mapapanood sa Prime Video simula Nobyembre 7

 

Isusugal na nina Kim Chiu at Paulo Avelino ang kanilang pag-ibig sa pagsabak nila sa mas mapangahas na seryeng nababalot ng mga sikreto sa mystery-romance na “The Alibi,” na eksklusibong mapapanood sa Prime Video simula Nobyembre 7 (Biyernes).

 

Pagkatapos pumatok sa mga manonood ang una nilang Prime Video series na magkatambal sa “Linlang,” handog naman ng KimPau sa “The Alibi” ang isang nakakaintrigang kwento ng pagmamahalan na masusubok nang masangkot sila sa misteryosong pagpatay sa isang kilalang personalidad.

 

Gagampanan ni Kim ang mapang-akit na escort na si Stella, na todo kayod sa buhay para sa kanyang pamilyang nagkawatak-watak na. Mas lalong magiging komplikado ang buhay ni Stella nang makilala niya si Vincent (Paulo), ang tagapagmana ng isa sa pinakamakapangyarihang news agency sa bansa.

 

Isa-isang mauungkat ang mga malagim na sikreto ng dalawa nang maisiwalat na si Vincent ang pangunahing suspek sa pagpatay sa kanyang karibal na si Walter (Sam Milby). Upang isalba ang kanyang reputasyon, babayaran ni Vincent si Stella, na may sariling palihim na motibong maghiganti, para magsilbing “alibi” niya para palabasin na wala siyang kinalaman sa krimen. 

 

Sa pagpasok nila sa isang delikadong kasunduan, handa na silang itaya ang lahat, maging ang kani-kanilang buhay at prinsipyo, para mahanap ang katotohanan sa likod ng mga kasinungalingan na matagal nang gumugulo sa kanilang nakaraan.

 

Handa ba silang pagtakpan ang kanilang mga kasinungalingan sa ngalan ng pag-ibig? Paano nila malalaman ang katotohanan sa pagkamatay ni Walter kung kaliwa’t kanan ang kanilang mga sikreto?

 

Tampok sa “The Alibi” ang mga premyadong artista na kinabibilangan nina John Arcilla, Zsa Zsa Padilla, Sofia Andres, Irma Adlawan, Rafael Rosell, Robbie Jaworski, Angelina Cruz, Alyanna Angeles, Alma Moreno, PJ Endrinal, Lotlot Bustamante, Ian de Leon, Romnick Sarmenta, Enzo Osorio, Ayesha Bajeta, Thou Reyes, Alora Sasam, Marvin Yap, Johaira Omar, Yesh Burce, at Kim Tubiano.

 

Mula ito sa direksyon nina Onat Diaz, Jojo Saguin, at FM Reyes, at sa produksyon ng Dreamscape Entertainment.

 

Alamin ang mga masalimuot na sikreto sa “The Alibi,” na eksklusibong mapapanood sa Prime Video simula Nobyembre 7 (Biyernes). May bagong episode na ipapalabas kada Biyernes na mapapanood sa Pilipinas at sa higit 240 na bansa at teritoryo.

 

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 12 PHOTOS FROM THIS ARTICLE

Kim at Paulo, mapusok sa pag-ibig, madaming sikreto sa "The Alibi"