News Releases

English | Tagalog

Donny at Kyle, pasabog ang bakbakan sa action-drama seryeng "Roja"

November 07, 2025 AT 12:21 PM

Sagupaan ng dalawang Kapamilya stars, unang mapapanood sa Netflix at iWant

Pasabog ang maaaksyong eksena nina Donny Pangilinan at Kyle Echarri sa kanilang pakikipagsapalaran sa isang malaking eskandalo ng pangho-hostage sa pinakabagong action-drama serye ng ABS-CBN na “Roja.”

Unang mapapanood ang “Roja” sa Netflix simula Nobyembre 21 (Biyernes) at sa iWant simula Nobyembre 22 (Sabado), at magiging available rin ito sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5 sa Nobyembre 24 (Lunes) ng 8:45 PM. 

Parehong magaling sa martial arts at sa pakikipagbakbakan ang mga karakter nina Donny at Kyle kung saan isang head chef si Liam (Donny), at si Olsen (Kyle) naman ay isang palaban na miyembro ng security team ng resort.

Iikot ang kwento ng “Roja” sa dating mag-best friend na ngayon ay magkaribal na sina Liam at Olsen. Kasama rin nila sa serye si Maymay Entrata bilang si Luna, ang best friend ni Liam na kabilang din sa culinary staff. 

Malalim ang magiging lamat sa relasyon ng dalawa dahil mapupuno ng hinagpis ang puso ni Liam nang malaman niyang may kabit (Yassi Pressman) ang tatay niya (Raymond Bagatsing) at matagal na pala itong kinukunsinti ni Olsen.

Kasabay ng alitan nina Liam at Olsen, magiging mala-bilangguan naman ang engrandeng island resort na La Playa Roja dahil sa pangho-hostage ng isang kahina-hinalang grupo ng mga armadong indibidwal sa pangunguna ng mga karakter nina Yassi at Joel Torre. Malalagay sa panganib ang buhay ng mga resort staff pati na rin ang mga bisita na kinabibilangan ng mga kilalang personalidad at mayayamang tao. 

Dahil sa krisis, mapipilitan sina Liam at Olsen na isantabi ang alitan at magtulungan na pabagsakin ang kalaban. 

Madadamay din sa gulo ang kanilang mga pamilya na malalim na rin ang pinagsamahan – ang mga magulang ni Liam na ginagampanan nina Raymond at Lorna Tolentino, at ang nanay ni Olsen na ginagampanan ni Janice De Belen.

Magkakaayos pa kaya sina Liam at Olsen? Sino-sino ang makakaligtas sa karumaldumal na hostage-taking?

Kabilang din sa cast ng “Roja” sina Sandy Andolong, Robert Seña, Nikki Valdez, Cris Villanueva, Zia Grace, Bernard Palanca, Marc Abaya, Gello Marquez, Harvey Bautista, Lou Yanong, Kobie Brown, Benedict Cua, Iñigo Jose, Maika Rivera, AC Bonifacio, Emilio Daez, Xilhouete, Kai Montinola, Rubi Rubi, Sophie Reyes, Rikki Mae Davao, Inka Magnaye, Vangie Castillo, Levi Ignacio, Floyd Tena, Rans Rifol, Igi Boy Flores, at Raven Molina.

Mula ito sa direksyon nina Lawrence Fajardo, Rico Navarro, Andoy Ranay, at Raymund Ocampo.

Huwag palampasin ang simula ng matinding bakbakan sa “Roja” gabi-gabi ng 8:45 PM sa Netflix (Nobyembre 21), iWant (Nobyembre 22), at sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live (Nobyembre 24). Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Para sa updates sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 7 PHOTOS FROM THIS ARTICLE