Tampok ang pagkilala sa dedikasyon ng paghahatid ng saya at kaalaman sa mga kabataan ng KCFI!
Nagkamit ng pitong parangal ang Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI) sa prestihyosong Anak TV Seal Awards 2025 – Television Category bilang pagkilala sa mga programang naghahatid ng saya, ligtas na panonood, at makabuluhang pagkatuto sa mga mag-aaral sa buong bansa.
Pinangunahan ni KCFI president at executive director Rina Lopez ang pagtanggap ng mga parangal, na taos-pusong nagpasalamat sa pagkilala. “These awards inspire us to continue creating transformative, child-safe, and curriculum-aligned educational content that uplifts the Filipino learner,” ani Rina.
Kabilang sa pinarangalan ang “Estudyantipid,” katuwang ang BPI Foundation, na tampok ang tipid tips at kaalaman sa tamang paghawak ng pera para sa kabataan. Kinilala rin ang “EcoPlay,” kasama ang Unilever Breeze, sa episode nitong “Game On: Larong Pinoy” na muling nagpapasigla sa pagmamahal ng mga bata at komunidad sa larong Pinoy.
Tampok din ang pagkilala sa “Payong K!lusugan,” katuwang ang Domex, na nagbibigay-kaalaman tungkol sa kalinisan at pangangalaga ng kapaligiran sa isang masigla at masayang talakayan. Pinarangalan din ang “AgriKids,” katuwang ang Agricultural Training Institute ng Department of Agriculture, na naglalahad ng konsepto ng pagtatanim at agrikultura para sa mga batang pre-kinder hanggang Grade 2 batay sa DepEd K–12 curriculum.
Hindi rin nagpahuli ang “Siklo ng Enerhiya,” katuwang ang Department of Energy, na nagtuturo tungkol sa kuryente at energy conservation. Kabilang rin sa mga kinilala ang “Kasaysayan TV,” katuwang ang Justice Cecilia Muñoz Palma Foundation, na nagbibigay-linaw sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan at lipunan.
Naging bahagi rin ng mga pinarangalan ang “Wikaharian,” katuwang ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA), isang reading series na tumutulong palakasin ang kasanayan sa pagbabasa at pagpapahalaga sa wikang Filipino.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa KCFI, bisitahin ang www.knowledgechannel.org o sundan ang @knowledgechannel sa Facebook, @kchonline sa X, at @knowledgechannelofficial sa TikTok.
Para sa iba pang Kapamilya updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.




