News Releases

English | Tagalog

AMBS, lumagda ng licensing agreement sa ABS-CBN para ipalabas ang Kapamilya Channel sa ALLTV simula Enero 2

December 17, 2025 AT 03:55 PM

Ang Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS), na nagmamay-ari at nagpapatakbo ng ALLTV, ay nakakuha ng lisensya mula sa ABS-CBN para maipalabas ang Kapamilya Channel sa ALLTV simula 2 Enero 2026.

Simula sa araw na iyon, mapapanood na sa ALLTV ang mga paboritong programa ng ABS-CBN tulad ng FPJ’s Batang Quiapo, Roja, What Lies Beneath, It’s Showtime, ASAP, TV Patrol, at iba pa. Patuloy pa rin mapapanood ang mga prime programs ng ABS-CBN sa A2Z, habang ang It’s Showtime at Pinoy Big Brother Celebrity Collab 2.0 ay napapanood pa rin sa GMA.

Ito ay matapos ang desisyon ng TV5 na wakasan ang kasunduan na ipalabas ang mga programa ng ABS-CBN sa TV5 simula Enero 2. Tinupad na ng ABS-CBN ang mga obligasyon nito sa TV5/Mediaquest alinsunod sa mga kasunduan ng bawat partido. Nagpapasalamat kami kay G. Manny V. Pangilinan at sa TV5 sa pagbibigay ng tahanan sa ilang mga programa ng ABS-CBN mula pa noong 2021.

Ang AMBS ay naging partner ng ABS-CBN mula pa noong 2024, hatid ang mga piling programa ng ABS-CBN, kabilang ang mga iconic na Kapamilya show sa ilalim ng Jeepney TV brand, gayundin ang It’s Showtime at TV Patrol.

Patuloy kami sa aming misyon na makapaglingkod sa mga manonood sa paghahatid ng mga makabuluhang kwento at balita na nagbibigay ng love, joy, at hope sa mga pamilyang Pilipino.

Maraming salamat, Kapamilya!