News Releases

English | Tagalog

Mga balitang humubog sa taon, babalikan sa year-end special ng ABS-CBN News na "Sa Likod ng Balita 2025"

December 26, 2025 AT 10:50 AM

Magbabalik-tanaw ang ABS-CBN News sa mga pinaka-pinag-usapan at kontrobersiyal na balita ng 2025 sa year-end special nito na pinamagatang “Sa Likod ng Balita 2025.”

Sa espesyal na dokumentaryo, ibinahagi ng Kapamilya journalists, kasama si Karen Davila, ang kanilang personal na karanasan sa pag-cover ng mga mahahalagang balita—mula sa imbestigasyon sa flood control projects at di umano’y katiwalian ng mga opisyal na sangkot dito.

Tatalakayin rin rito ang malalaking pangyayari sa pulitika, kabilang ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang impeachment proceedings laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Ipinahihiwatig nito ang hati sa loob ng gobyerno matapos ibasura ng Korte Suprema ang impeachment filing at tanggihan ng International Criminal Court ang hiling ng dating pangulo para sa pansamantalang paglaya.

Babalikan din ng “Sa Likod ng Balita 2025” ang mga kalamidad na sumubok sa tatag ng mga Pilipino—mula sa malalakas na bagyo hanggang sa mapaminsalang lindol sa Central Visayas at Davao Oriental. Kasama rin dito ang mga bagong detalye sa matagal nang mga kaso na umani ng pansin ng publiko, tulad ng mga nawawalang sabungero at ang pag-aresto kay dating Kongresista Arnolfo Teves matapos ang ilang taong pagtatago.

Muling susuriin ang 2025 National Elections, kung saan milyon-milyong Pilipino—lalo na ang mga kabataan o Gen Z na botante—na lumahok sa botohan para sa bagong kinabukasan. Tampok rin sa dokumentaryo ang pag-angat ng ilang hindi gaanong kilalang kandidato na nagwagi kahit hindi nanguna sa mga naunang survey.

Sa kabila ng mga hamon ng taon, ibibida rin sa year-end special ang mga tagumpay ng mga Pilipino sa internasyonal na entablado, kabilang rito ang mga pagkapanalo nina EJ Obiena at Alex Eala, pati na rin ang tagumpay ng mga Pilipinong artista at beauty queens. Kasama rin ang mga sandali ng pagluluksa ng bansa, tulad ng pagpanaw ni Pope Francis, at ang pagkakahalal ng bagong Santo Papa na si Pope Leo XIV.

Huwag palampasin ang “Sa Likod ng Balita 2025,” ngayong darating na Linggo (Disyembre 28), mula 9:15pm hanggang 10:45pm sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, A2Z, at sa opisyal na YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN News.

Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, X, Instagram, TikTok, and Threads, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom. 

 

-30-

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE

Mga balitang humubog sa taon, babalikan sa year-end special ng ABS-CBN News na "Sa Likod ng Balita 2025"