News Releases

English | Tagalog

Vice at Nadine, ipapakita ang pagmamahal ng isang ina sa "Call Me Mother"

December 05, 2025 AT 10:24 AM

Trailer ng reunion movie nina Vice at Nadine, nakakuha ng 20M views

 

Paano nga ba ginagawa ang isang ina?

 

Magpapasaya sina Vice Ganda at Nadine Lustre sa kanilang muling pagsasama sa isang nakakaantig na pelikula tungkol sa pagmamahal ng isang ina sa “Call Me Mother,” na mapapanood simula Disyembre 25 bilang parte ng 51st Metro Manila Film Festival.

 

Nakatakdang magbigay ligaya sa mga pamilya ngayong Pasko ang comedy-drama film ni Jun Robles Lana matapos makakuha ang official trailer ng pinagsama-samang 20 milyong views pagkalipas ng mahigit 24 oras sa iba’t ibang online platforms, at top trending topic din sa Pilipinas ang #CallMeMotherFullTrailer.

 

Iikot ang kwento ng pelikula sa walang sawang pagmamahal at iba’t ibang sakripisyo ng mga nanay kung saan makikilala sina Twinkle (Vice) at Mara (Nadine). Ang loud-and-proud queer na si Twinkle ay dating beauty queen trainer na natutunan kung paano maging isang ina nang kupkupin niya si Angelo (Lucas Andalio).

 

Si Mara naman ay ang totoong nanay ni Angelo na ngayon ay isang bonggang model ngunit bitbit pa rin niya ang hinagpis sa kanyang puso nang iwanan niya si Angelo kapalit ng kanyang mga pangarap.

 

Papasok sa isang kasunduan sina Twinkle at Mara dahil gustong gawing opisyal ni Twinkle ang pag-ampon kay Angelo para maisama niya ang bata sa bago niyang trabaho abroad. Papayag dito si Mara pero sa isang kondisyon – kailangan tulungan ni Twinkle si Mara na maipanalo ang pinakaprestihiyosong beauty pageant sa bansa. 

 

Ang mga nagluwal lang ba sa anak ang mga karapat-dapat tawaging ina? O pati ang mga hinubog ng pagkakataon – ‘yung buong pusong umaruga at bumuhay ng batang hindi sa kanya nagmula?

 

Kasama rin sa cast ng “Call Me Mother” ang “Pinoy Big Brother Celebrity Collab” housemates na sina Klarisse De Guzman, Mika Salamanca, Brent Manalo, Esnyr Ranollo, River Joseph, at Shuvee Etrata, pati na rin sina Chanda Romero, Carmi Martin, Ces Quesada, John “Sweet” Lapus, MC Muah, Iyah Mina, Jennifer Sevilla, Robert Ortega, Tanya Gomez, at Divine Tetay.

 

Mula ito sa produksyon ng Star Cinema, The IdeaFirst Company, at Viva Films. 

 

Panoorin ang “Call Me Mother” sa mga sinehan nationwide simula Disyembre 25. 

Para sa mga detalye, sundan ang Star Cinema sa Facebook, X, Instagram, YouTube, at TikTok. Para sa ibang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

 

 

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 11 PHOTOS FROM THIS ARTICLE