Natatanging Pinoy sa Top 150 music producers kung saan kabilang sina Max Martin, Jack Antonoff
Si Jonathan Manalo na nga ang most streamed Filipino songwriter/producer sa kasalukuyan dahil sa umani na ng pinagsamang 7.9 billion streams mula sa iba’t ibang platforms ang musika niya ayon sa verified music credit platform na Muso.AI.
Ikinagagalak ng kasalukuyang operations, content, and creative head ng ABS-CBN Music na maging bahagi ng top 150 global music producers list ng Muso kung saan kabilang sina Max Martin at Jack Antonoff. Kasama rin si Jonathan sa top 0.1 percent ng global songwriters ng Muso na nagta-track ng streams mula sa iba’t ibang platform kasama ang Audiomack, Soundcloud, Spotify, at YouTube.
“I am truly grateful to be among world-renowned producers who have made music appreciated by audiences across different platforms.” aniya. “Patunay ito na kaya nating mga Pinoy na ibida ang musikang Pilipino sa buong mundo.”
Meron na ring 15.5 billion combined views ang musika ng OPM hitmaker mula sa Instagram reels, TikTok, at YouTube shorts ayon pa rin sa Muso.
Hiling niya na sana’y maka-inspire ang kanyang latest milestone sa mga artist na maging fearless sa paggawa ng musika. “We are experiencing a record high volume of fresh music output from young music creatives of today.”
Kilala sa pagsusulat at pagprodyus ng OPM hits tulad ng “Gusto Ko Nang Bumitaw,” “Pagbigyang Muli, “Patuloy Ang Pangarap,” at “Pinoy Ako,” malaki na ang naging kontribusyon ni Jonathan sa industriya kasama na ang mahigit sa 800 recording, multi-platinum albums, at iba’t ibang hits.
Nagkaroon din siya ng kolaborasyon sa kilalang OPM acts tulad nina Gary Valenciano, Regine Velasquez, Erik Santos, Kyla, Gloc-9, Ebe Dancel, at Rico Blanco at nagsisilbing mentor sa mga grupong BGYO at BINI at rising songwriters tulad nina Angela Ken at Jeremy G. Nagkaroon din siya ng landmark projects kasama sina Moira, Yeng Constantino, Ben&Ben, Sarah Geronimo, at SB19.
Kilala ang musika ni Jonathan sa relatable na mga kwento nito na tumatagos sa music fans habang ilan sa mga pinakasikat niyang awitin ang nagdiriwang naman ng kultura at pride, tulad ng “Kabataang Pinoy,” “Sikat Ang Pinoy” at “Tara Tena” na entry niya sa 2001 Himig Handog songwriting competition at nagwagi bilang Best Song.
Ilan sa greatest hits niya ay mapapakinggan sa “Delia D: A musical featuring the songs of Jonathan Manalo” ng Full House Theater Company, na ipapalabas sa April 25 hanggang June 8 sa Newport Performing Arts Theater.