Pelikula ng ABS-CBN, mapapanood sa YouTube tampok sina Gelo, Harvey, Dustine, at River
High school kilig ang hatid ni Anji Salvacion kasama ang apat na Kapamilya heartthrobs na sina Gelo Rivera, Harvey Bautista, Dustine Mayores, at River Joseph para sa kauna-unahang original YouTube movie ng ABS-CBN na “
The Four Bad Boys and Me.”
Hango sa sikat na Wattpad series mula sa blue_maiden, unang mapapanood ang movie adaptation ng Super Kapamilya members sa Hulyo 29 o dalawang araw bago ang opisyal na worldwide premiere sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel sa Hulyo 31. Mula naman ito sa direksyon ni Benedict Mique na kilala sa sikat na rom-com films katulad ng “Wild Little Love” at “MOMOL Nights.”
Ibinahagi nina Anji at Gelo sa mediacon noong Biyernes (Hulyo 25) kung gaano sila ka-excited na mapanood ng fans ang nakakakilig nilang pelikula.
“Ever since grade 9 kami ng mga classmate ko, abang na abang kami sa next chapter ng story. This is a good story kasi madaming makaka-relate. I’m stepping out of my comfort zone in this movie,” sabi ni Anji na aminadong big fan noon pa ng Wattpad version.
“Aside from the pressure na nararamdaman ko, sobrang grateful ko na nakasabay ko sila sa first project ko bilang aktor. It was a rollercoaster of emotions,” dagdag naman ni Gelo, kung saan ginagampanan niya ang antipatikong lider ng grupo para sa kanyang unang sabak sa pag-arte.
Para naman kay River, kahit binansagan siya ng fans bilang ang ‘green flag’ ng “Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition,” handa na siyang magpakilig bilang ang pasaway at basag-ulong kuya ng karakter ni Anji.
Ibinahagi rin nina Harvey, ang misteryosong miyembro ng grupo, at Dustine, ang lover boy sa kanilang apat, na excited na silang maghatid ng kilig at good vibes sa lahat ng fans na nag-aabang sa pelikula.
Iikot ang kwento ng “The Four Bad Boys and Me” kay Candice (Anji), ang dakilang loner na high school senior. Sa hindi inaasahang pagkakataon, biglang magiging exciting ang simple niyang buhay dahil magiging tropa niya ang pinakasikat na bad boys ng campus na sina Jeydon (Gelo), Troy (Dustine), Marky (Harvey), at Charles (River).
Sasabog ang kilig sa istorya dahil magkakaroon ng major glow-up si Candice at pag-aagawan siya ng mga gwapong heartthrob. Sino kaya sa kanila ang magwawagi sa puso ni Candice?
Kasama rin sa pelikula upang magbigay ng kilig at nakaka-intrigang drama ang Kapamilya rising stars na sina Brent Manalo, AC Bonifacio, Analain Salvador, Gela Alonte, at Krystal Brimner.
Mapapanood ang “The Four Bad Boys and Me” sa Hulyo 31 sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel. Kung gustong mapanood ito ng mas maaga simula Hulyo 29, mag-subscribe bilang Super Kapamilya member sa
ABS-CBN Entertainment YouTube channel.