
Special edit ng serye nina Paulo, JM, at Kim, napapanood na sa Netflix
Patuloy pa rin ang pag-arangkada ng ABS-CBN teleseryeng “Linlang” nina Paulo Avelino, JM De Guzman, at Kim Chiu, matapos itong masungkit ang ikatlong pwesto sa top 10 most-watched shows ng Netflix Philippines.
Nagsimulang ipalabas sa naturang streaming platform ang “Linlang,” na kilala sa international na titulo nitong “Deceit,” noong Hulyo 4 kung saan tampok ang special edit ng serye na may 20 episodes.
Ang Netflix ang ikatlong streaming platform kung saan pumatok ang serye sa mga manonood dahil nanguna na ito sa listahan ng mga pinapanood na TV series sa Prime Video Philippines noong 2023 at nasungkit din nito ang top seven spot sa 2024 most-watched shows ng iWant.
Umani ng samu’t saring papuri ang serye na umiikot sa panloloko at pagtataksil sa isang relasyon at naging viral din sa social media ang ilang mga eksenang tampok ang nakakagigil na komprontasyon ng mga asawa at kabit.
Umiikot ang kwento ng “Linlang/Deceit” kay Victor (Paulo), dating boksingero na naging seaman, at sa kanyang pagtuklas ng katotohanan sa likod ng pagtataksil ng kanyang asawang si Juliana (Kim Chiu) kasama ang kapatid niyang si Alex (JM).
Umere rin ang serye sa primetime TV at nakasungkit din ang programa, pati ang mga bida ng serye, ng ilang mga award mula sa mga iba’t ibang award-giving bodies.
Para sa updates sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, and TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.