News Releases

English | Tagalog

Daniel at Louise nagsagupaan, Richard pinagbabaril sa "Incognito"

June 17, 2025 AT 02:08 PM

No. 1 sa iWantTFC at kasama sa Top 10 TV shows sa Netflix

 

 

Mas tumitindi pa ang mga eksena sa action-thriller series ng ABS-CBN na “Incognito” dahil sa mainit na komprontasyon sa pagitan ng magkapatid na sina Andres (Daniel Padilla) at Jun/Uno (Louise Abuel) at sa pamamaril kay JB (Richard Gutierrez) sa episode noong Lunes (Hunyo 16).

Buong linggong hinintay ng mga manonood ang nasabing paghaharap ng magkapatid dahil dito nalaman ni Andres ang matagal na niyang kinatatakutang katotohanan—na si Jun ay kasing-sama at tuso rin kumupkop sa kanya na si Manuel Aguinaldo (Joem Bascon). 

Narinig nga ni Andres kay Jun ang planong pagpatay nito kay Sec. Josephine Barrios (Meryll Soriano). Matapos sugatan si Andres, tumakas si Jun at binalaan ang mga kasamahan tungkol dito. Sa kanyang planong pagtakas, nahabol siya ni JB na inutusan siyang lisanin ang lugar. Ngunit ang hindi inaasahan ni JB ay babarilin siya ni Jun nang malaman nito na kasama siya sa pumoprotekta kay Sec. Barrios.

Samantala, matagumpay na nailigtas ni Gab (Maris Racal) si Ninong (Bembol Roco) mula sa kapahamakan, na naging dahilan para bahagyang gumaan ang loob ni Tomas. Ngunit nananatiling nasa panganib ang buhay ng mga Kontraks dahil patuloy silang tinutugis ng mga tauhan ni Manuel Aguinaldo (Joem Bascon).

Matapos malaman ang katotohanan, ano kaya ang kahihinatnan ng relasyon nina Andres at Jun? Makaligtas kaya ang  Kontraks sa kanilang misyon laban sa tauhan ni Manuel?

Kasabay naman ng sunod-sunod na rebelasyon at umaatikabong eksena sa serye ay inilabas ng  Star Creatives ang bagong official poster na nagpasilip sa huling kabanata ng serye. Lubos ngang kinasabikan ng netizens ang bagong teaser at talagang inaabangan ang susunod na mangyayari sa nalalapit na pagtatapos ng “Incognito.”

Tutukan ang mga kapana-panabik na eksena sa “Incognito” gabi-gabi, 8:45 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, TFC, at Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at Facebook page. Mapapanood din ito nang mas maaga sa Netflix at iWantTFC.

Para sa updates sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, and TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE