Single man o nasa masayang relasyon, tumagos sa puso ng mga manonood ang “Only We Know” nina Charo Santos at Dingdong Dantes na patuloy na umaani ng papuri, maging sa mga film blogger na naglabas na ng mga positibong review, para sa nakakakilig na eksena at mga kapupulutang aral ng pelikula.
Patuloy ang pag-post sa social media ng mga manonood kung paano sila nakaka-relate sa mga ‘hugot-worthy’ na mga linyahan nina Betty (Charo) at Ryan (Dingdong) na umiikot sa mga pinagdadaanang hirap sa buhay at iba’t ibang label pagdating sa mga relasyon.
Puno nga ng magagandang salita ang inilabas ng mga movie review page na Maganda Ba?, Goldwin Reviews, at JJ’s MovieMania kung saan tumatak daw sa kanila ang simple ngunit makabuluhang tinginan nina Betty at Ryan sa kanilang nakakaantig na love story.
“Isa ‘tong pelikula na hindi mo lang pinapanood, nararamdaman mo siya buong-buo. Kung may panahon ka para sa isang love story na hindi kailangang sumigaw para masaktan ka, para kiligin ka, para iparamdam na buhay ka, this is it,” bahagi ng review ni Maganda Ba? sa kanilang social media pages.
Ayon sa post ni Goldwin Reviews, “Not too extreme or loud, the scenes are subtle, calm, and grounded.” Pagbabahagi naman ni JJ’s MovieMania, bumilib siya sa pasulyap-sulyap ng mga karakter kaya mas napapansin ang malalim na koneksyon ng dalawa, “It captures the beauty of small, intimate moments and uses silence as a powerful tool to express unspoken feelings.”
Ibinahagi naman ng viewer na si Mel Lozano sa isang online platform para sa mga masusugid na fans ng mga pelikula na bumilib siya sa unti-unting pag-usbong ng damdamin ng mga karakter, “There’s a quiet intimacy to ‘Only We Know’ that I found deeply affecting. No grand gestures, no sweeping set pieces, no overplayed ‘kilig’ moments or self-important monologues.”
Palabas na ang “Only We Know” sa mga sinehan sa buong Pilipinas at sa ibang bansa sa Australia, New Zealand, USA, Canada, Guam, Middle East, Singapore, Malaysia, at Brunei. Mapapanood na rin ito simula Hunyo 22 sa Hong Kong at Macau.
Samantala, umikot sina Charo, Dingdong, at direktor na si Irene Emma Villamor, sa iba’t ibang mga sinehan sa bansa para magpasalamat sa suporta ng mga manonood. Nakatakda ring lumipad sina Charo at Dingdong para sa international screenings at meet-and-greet na gaganapin sa Canada (Hunyo 20 at 21) sa Cineplex Scarborough Town Center at sa United States (Hunyo 22) sa Cinemark Carson. Makakabili na ng tickets sa
mytfc.com.
Umiikot ang istorya ng “Only We Know” sa matinding koneksyon nina Betty (Charo) at Ryan (Dingdong) na nabuo sa gitna ng kani-kanilang paghihirap na pinagdadaanan sa buhay.
Para sa iba pang mga detalye, sundan ang Star Cinema sa
Facebook,
X,
Instagram,
YouTube, at
TikTok. Para sa updates sundan ang @abscbnpr sa
Facebook,
Twitter,
Instagram, and
TikTok, o bisitahin ang
corporate.abs-cbn.com/newsroom.