News Releases

English | Tagalog

Bela, balik-Kapamilya at Star Magic

August 26, 2025 AT 01:01 PM

Nagbabalik-Kapamilya si Bela Padilla matapos siyang pumirma ng eksklusibong kontrata sa Star Magic, ang nangungunang talent agency ng ABS-CBN.

Isang espesyal na homecoming ito para kay Bela lalo pa at sa ABS-CBN siya nagsimula bilang bahagi ng Star Magic Batch 15 noong 2008. Inilarawan niya ang kanyang pagbabalik bilang isang “full-circle” moment.

Ibinahagi rin niya ang mga hamong hinarap niya noong pandemya at kasunod ng hindi pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN, na nagtulak sa kanya upang manirahan muna sa ibang bansa. “Sobrang loyal lang siguro ako kaya hindi ko naisip na magtrabaho sa ibang tao. May natanggap akong offers na magteleserye sa ibang kumpanya pero mas ginusto ko na lang umalis,” kuwento ni Bela.

Ang desisyon niyang bumalik ay bunga ng imbitasyon mula sa network, na aniya’y patunay sa matibay nilang relasyon. “Masaya sa feeling na tinawag nila akong bumalik lalo pa at ngayong lumalakas muli sila,” dagdag niya.

Dumalo sa contract signing sina ABS-CBN chairman Mark Lopez, president at CEO Carlo Katigbak, COO Cory Vidanes, group CFO Rick Tan, entertainment production at Star Magic head Laurenti Dyogi, at Star Magic manager Deejaye Dela Paz at W talent management CEO na si Pia Campos.

Sa ilalim ng kanyang bagong kontrata, inaasahan ni Bela na makakamit niya ang bagong yugto sa kanyang karera kung saan magkakaroon siya ng balanse sa kanyang mga passion. “Alam ko na makukuha ko yung suporta mula sa Star Magic na magpatuloy bumuo ng kwento lalo nitong nakaraang taon mas nagfocus ako sa acting. Mas magkakaroon ng balanse,” pahayag niya.

Bagaman hindi pa napag-uusapan ang kanyang mga magiging proyekto, sinabi ni Bela na kung bibigyan siya ng pagkakataon, nais niyang muling makatrabaho si Coco Martin.

Huling seryeng kinabilangan ni Bela ang Pamilya Sagrado at patuloy pa rin siyang nakikita ng manonood bilang guest co-host sa “It’s Showtime.”

Balikan ang “KapamILYa Forever: Here To Stay” contract signing ni Bela Padilla na napapanood sa Star Magic YouTube channel.

 

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 2 PHOTOS FROM THIS ARTICLE