Coco at John, magkakainitan; Charo, sasampalin si Dante!
Inaabangan na ng netizens ang pangmalakasang acting showdown sa “FPJ’s Batang Quiapo” kung saan magsasama-sama sa isang pasabog na eksena ang mga bigating artista ng Kapamilya teleserye sa pangunguna ni Coco Martin.
Ipinasilip ng ABS-CBN ang mainit na komprontasyon sa pagitan ng mga bida na magaganap sa mga susunod na episode kung saan tinagurian itong “royal rumble showdown” ng netizens. Sa naturang eksena, mauuwi sa matinding bakbakan ang muling paghaharap ng magkaribal na pamilya sa politika, ang mga Montenegro at Guerrero, pagkatapos isiwalat sa publiko ang mga eskandalong sikreto na nag-uugnay sa kanila.
Umaatikabong ratratan ang dapat abangan mula kay Tanggol (Coco) nang sugurin siya ng mga suntok ng magkapatid na sina Miguelito (Jake Cuenca) at Roberto (Albert Martinez), na siya ring mapapahiya nang ilantad ang sikreto niya bilang bakla. Nagbabadya rin ang komprontasyon nina Tanggol at Rigor (John Estrada) dahil magbabanta si Rigor na tapusin ang buhay ni Tanggol sa harap ng maraming tao.
Hindi rin magpapahuli sa engkwentro ang iba pang mga respetadong artista sa industriya. Makakatikim kasi ng sampal at suntok si Gustavo (Dante Rivero) mula kina Tindeng (Charo Santos) at Al (Juan Rodrigo) bilang ganti sa pagsira ng buhay nila noon, at magkakainitan din ang mga babae sa pamilya na sina Marites, Jackie, at Olivia (Cherry Pie Picache, Angel Aquino, at Chanda Romero).
Sino ang madedehado sa mainit na bakbakan? Sino naman sa dalawang pamilya ang magwawagi sa darating na eleksyon?
Huwag palampasin ang maaaksyong kaganapan sa “FPJ’s Batang Quiapo,” na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWant, at Kapamilya Online Live. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.
Para makakuha ng updates sa “FPJ’s Batang Quiapo,” bisitahin ang batangquiapo.abs-cbn.com. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.