Ganap nang recording artist matapos ang “TNT” journey
Opisyal nang pinasok ni “Tawag ng Tanghalan: All-Star Grand Resbak” season 2 second placer Ian Manibale ang music scene matapos ilunsad ang debut single niya na pinamagatang “Vicente Cruz.”
Inilunsad sa ilalim ng DNA Music ng ABS-CBN at isinulat ni Gabriel Tagadtad ang awitin na hatid ang pag-asa sa larangan ng pag-ibig.
“It’s all about love na puno ng paghihintay, pag-asa, at alaala sa Vicente Cruz. It’s a song ng isang taong naghihintay sa pag-ibig na dumating nang hindi inaasahan,” saad ni Ian. “Napaka-personal ng kanta at kahit hindi ako ang nagsulat ramdam ko bawat linya.”
Unang nakilala ang baguhang singer mula sa Catanduanes sa “Tawag ng Tanghalan” kung saan dalawang beses siyang hinirang bilang second placer. Una noong 2021 nang maging bahagi siya ng “TNT” season 5 at ngayong taon nang magbalik siya sa “All-Star Grand Resbak” season 2.
“Honestly, may kaunting panghihinayang. Sabi ko nga sa sarili ko ‘second na naman,’ but I’m always grateful sa kung ano ang narating ko. Second place is a biggest achievement na nangyari sa buhay ko back-to-back pa and mas nangingibabaw yung motivation ko na mas pagbutihin at i-pursue yung music,” pasasalamat ni Ian.
Pangarap niya na makasama sa entablado sina Bruno Mars at Dionela na naging inspirasyon niya para subukan ang R&B at soul sa kanyang musika.
Napapakinggan ang “Vicente Cruz” ni Ian sa iba’t ibang streaming platforms. Para sa karagdagang detalye, sundan ang DNA Music PH sa Facebook, X, Instagram, at YouTube.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.