News Releases

English | Tagalog

Gladys, kabilang na sa Star Magic family

August 28, 2025 AT 02:23 PM

Itinuturing “answered prayer” para sa kanyang karera

Ganap nang Star Magic artist ang showbiz icon na si Gladys Reyes matapos nitong pumirma ng kontrata noong “Grand Welcome to Star Magic” event ng ABS-CBN noong Huwebes (Agosto 28).

 

Makalipas ang apat na dekada bilang artista, malaki ang pasasalamat ni Gladys na mapabilang sa Star Magic family ngayon, lalo na at nakilala siya bilang isa sa mga pinakasikat na kontrabida noong bumida siya sa 1992 teleserye na “Mara Clara” ng ABS-CBN.

 

“Masaya ako kasi answered prayer ito para sa akin bilang artista. Umaasa ako sa mas makabuluhan at mahirap na mga proyekto. Nakakaiyak ‘yung respeto at pagpapahalaga kapag nararamdaman mo pa rin ‘yun pagkalipas ng ilang taon,” saad niya.

 

Dumalo sa contract signing sina ABS-CBN chairman Mark Lopez, president at CEO Carlo Katigbak, COO Cory Vidanes, group CFO Rick Tan, entertainment production at Star Magic head Laurenti Dyogi, at Star Magic manager Gidget Dela Cuesta.

 

Excited na si Gladys para sa mga proyektong gagawin niya upang maipakita pa niya sa publiko ang kanyang kalog na personalidad bukod sa pagiging kontrabida sa mga serye.

 

“Marami pa akong gustong gawin. Bukod sa mga teleserye, gusto kong mag-host ulit para maipakita ko ang pagiging totoo ko at ang tunay kong ugali — kung talk show man, variety show, o kahit game show,” sabi niya.

 

Isa si Gladys sa mga bida noong 50th Metro Manila Film Festival pelikula na “And The Breadwinner Is…” at napapanood din siya bilang hurado sa “It’s Showtime.” Kamakailan din ay pumirma ng kontrata sa Star Magic ang anak niyang si Christophe Sommereux bilang recording artist ng StarPop.

Balikan ang “Grand Welcome to Star Magic” contract signing ni Gladys na napapanood sa Star Magic YouTube channel. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 2 PHOTOS FROM THIS ARTICLE