Gelo, Akira, JL, Mikki, at Nate, naghahanda na para sa unang solo concert
Inilunsad na ng BGYO ang bago nitong dance-pop single na “Headlines” at mapapanood ang unang live performance nito sa “Summer Sonic Bangkok 2025” sa Linggo (Agosto 23).
May taglay na Y2K R&B influence ang bagong music offering nina Gelo, Akira, JL, Mikki, at Nate na tungkol sa pagmamahal na ibibida at ipagsisigawan.
Produkto ang kanta ng 2nd ABS-CBN Music Camp na ginanap noong nakaraang taon mula sa songwriters nito na sina Lindgren, Melanie Joy Fontana, Marqueze Parker, Courtlin Jabrae Edwards, Nhiko Sabiniano, at BGYO members na sina Mikki at Nate.
Sina Lindgren at Melanie ay kilalang songwriters na nakatrabaho ang BTS at iba pang global artista. Sumulat din sila ng mga kanta para sa pelikulang “K-Pop Demon Hunters.” Nakapagsulat na si Courtlin ng mga awitin para kina Ciara at GloRilla habang si Marqueze ay nakapagsulat naman para kay Ariana Grande.
Nakatakdang ilabas ang “Headlines” performance video sa BGYO Official YouTube channel sa Biyernes (August 28) at 9pm.
Sinundan ng kanta ang recent hit ng grupo na “All These Ladies” at self-titled EP nito tampok ang mga kantang “Andito Lang,” “Divine,” “Trash,” at iba pa.
Pagkatapos ng kanilang sunod-sunod na hits, naghahanda na sila para sa “BGYO: The First Solo Concert” na gaganapin sa Oktubre 4 (Sabado) sa New Frontier Theater sa Quezon City.
Mabibili na ang tickets para sa concert na handog ng ABS-CBN Events sa Ticketnet sa halagang P6,000 (SVIP), P5,000 (VIP), P3,500 (orchestra), P1,800 (loge), at P800 (balcony).
Nagsimula ang BGYO taong 2021 at nakapaglabas ng albums na “The Light” at “Be Us” pati na rin ang mga patok na awitin tulad ng “Patintero” at “Tumitigil Ang Mundo.”
Napapakinggan na ngayon ang “Headlines” sa iba’t ibang music streaming platforms worldwide. Para sa updates, sundan ang @bgyo_ph sa Facebook, X, Instagram, TikTok, at mag-subscribe sa BGYO Official YouTube channel.