‘Pangmalakasang project’ tampok ang palabang anthems
Grateful ang sikat na drag queen na si Viñas Deluxe matapos ilabas ang self-titled debut extended play (EP) sa ilalim ng Star Music.
“Dreams really do come true, Misis. Thank you so much to Star Music for believing in me and helping me bring this pangmalakasang project to life! At syempre, maraming maraming salamat sa inyo, mga Misis, for the love and support mula noon hanggang ngayon,” pasasalamat niya sa isang post.
Inilunsad ni Viñas ang mini album sa naganap listening party sa Rampa nitong Hulyo 31 kung saan ipinerform niya ang high-energy anthems na “Bongga,” “Misis,” at remake niya ng “Oh, Boy!” at “Bakit Ba Minamahal Kita.” Nagsilbing producer ng mga awitin sina ABS-CBN Music creatives, content, and operations head Jonathan Manalo, Moophs, at Kiko “KIKX” Salazar.
Swak na pang lip sync battle ang key track ng EP na “Bongga” na isinulat mismo ni Viñas at Kiko “KIKX” Salazar na siya rin nag-produce ng awitin. Umiikot ito sa tema ng empowerment at pagiging confident na harapin ang mundo at mga hamon nito.
Noong 2023, naging ganap na recording artist si Viñas nang inilunsad niya ang debut single na “I’m Feeling Sexy Tonight.” Kasunod nito, naging bahagi siya ng trio na “Divine Diva” kasama ang drag queens na sina Brigiding at Precious Paula Nicole at naglunsad ng awitin na “Oh, Divine Diva.”
Matapos magpasikat sa “Drag Race Philippines” season 1, sasabak ang tinaguriang ‘pambansang bunganga’ sa spin-off series nito na “Drag Race Philippines: Slaysian Royale.”
Napapakinggan na ang “Viñas Deluxe” EP sa iba’t ibang streaming platforms. Para sa karagdagang detalye, sundan ang Star Music PH sa Facebook, X (Twitter), Instagram, TikTok, at YouTube.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.