News Releases

English | Tagalog

Pasabog na aktingan nina Anne, Joshua, at Carlo sa "It's Okay To Not Be Okay," patok są manonood

September 15, 2025 AT 12:02 PM

Trending at pinag-uusapan ng manonood ang galing sa pagarte nina Anne Curtis, Joshua Garcia, at Carlo Aquino sa Pinoy adaptation ng “It’s Okay To Not Be Okay.”

Sa kakatapos lang na midseason poster launch ng serye, nagpasalamat si Anne sa taos-pusong suporta na natatanggap nila sa manonood. 

“Maraming salamat, lalo na kapag sinasabing we lived up to your expectations at kung paano namin nabibigyan ito ng  Filipino touch,” ani Anne.

Para sa kanya, malaking parte ang magaling na pagganap ni Carlo bilang si Mat-Mat–isang karakter na nasa autism spectrum–sa tinatamasang tagumpay ng programa. 

“All praises for Carlo,” wika ni Anne. “’Yung comment na palaging lumalabas, na maraming salamat for showing us how those in the spectrum can function — it really means so much to us.”

Labis ding naantig sa positibong tugon ng publiko si Carlo.

“Masaya ako, pero sana ‘yung message mailabas na ‘wag sana silang i-discriminate, kasi high-functioning naman sila,” ani Carlo. “Kailangan lang ipaliwanag ‘yung iba sa kanila para maintindihan nila kung nasaan silang sitwasyon.”

Kinabiliban din ng publiko si Joshua sa pagganap niya sa karakter ni Patrick o Pat-Pat na pilit kinukubli ang kanyang nararamdaman at binibigay ang kanyang lahat para sa kanyang kapatid na si Mat-Mat.

Samantala, ilang linggo ng pinag-uusapan ang serye dahil sa galing sa pag-arte ng lead stars sa iconic pillow fight scene nina Mia at Mat-Mat pati na ang mainit na kumprontasyon ng magkapatid kung saan tinanong ni Mat-Mat kung sino ang mas pipiliin ni Pat-Pat sa kanilang dalawa ni Mia. 

Simula ng umere ang ABS-CBN studios series na “It’s Okay To Not Be Okay” ay nagbukas ito ng diskusyon at kamalayan tungkol sa mental health, neurodiversity, at empatiya.

Huwag palampasin ang bagong episodes ng “It’s Okay To Not Be Okay,” gabi-gabi, 8:45 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, TFC, at Kapamilya Online Live. Mapapanood din ito nang advance sa Netflix at iWant.

Para sa mga pinakabagong updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.

Pasabog na aktingan nina Anne, Joshua, at Carlo sa "It's Okay To Not Be Okay," patok są manonood