News Releases

English | Tagalog

BGYO, BINI at Maki, nominado sa Breaktudo Awards 2025 ng Brazil

September 15, 2025 AT 01:03 PM

Kapamilya acts, patuloy ang pagbida sa global music scene

Umani ng nominasyon si Maki at ang mga grupong BGYO at BINI sa BreakTudo Awards 2025 ng Brazil.

Nominado ang BINI sa tatlong kategorya, International Female Group, International Collaboration para sa “Blink Twice (Dos Veces Remix)” kung saan kasama nila ang Spanish-Mexican artist na si Belinda, at International Fandom of the Year para sa Blooms.

Samantala, contender naman ang BGYO sa International Rising Artist category habang patuloy ang grupo sa pagpasok sa global music scene tampok ang kanilang back-to-back releases tulad ng viral hit na “All These Ladies” at bagong awitin na “Headlines.”

Si Maki, na nakatakdang maglunsad ng kanyang “Kolorcoaster” album sa Setyembre 19, ay nominado naman sa ilalim ng Asian Artist category.

Noong nakaraang taon, nagwagi ang BINI sa BreakTudo Awards bilang International Breakthrough Artist at nakuha rin nito ang International Music Video of the Year award para sa “Cherry On Top.”

Kinilala rin ang BGYO sa kategoryang Music By New International Artist para sa awitin nilang “Patintero.”

Nakatakdang pangunahan ng tatlong ABS-CBN talents ang kani-kanilang solo concert bago matapos ang taon. Gaganapin ang unang solo concert ng BGYO sa Okt. 4 sa New Frontier Theater, habang bibida naman si Maki sa Araneta Coliseum sa Nob. 7. Magbabalik din ang BINI sa The Philippine Arena para sa kanilang year-end concert na “BINIfied” sa Nob. 29.

Simula 2016, patuloy ang BreakTudo Awards sa pagkilala sa mga natatanging personalidad sa larangan ng musika, entertainment, at pop culture. Mapipili ang mga magwawagi sa pamamagitan ng fan voting sa vote.breaktudoawards.com hanggang Okt. 10 at papangalanan sa BreakTudo Awards 2025 ceremony sa Nob. 18.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE