News Releases

English | Tagalog

Bianca, Kapamilya pa rin; pumirma ng kontrata sa ABS-CBN

September 01, 2025 AT 04:32 PM

“PBB Collab” season 2, pinaghahandaan na

 

Nananatiling Kapamilya ang television at “Pinoy Big Brother” host na si Bianca Gonzalez matapos pumirma ng kontrata sa ABS-CBN sa “KapamILYa Forever: Network Contract Signing” event nitong Lunes (Setyembre 1). 

“Sobrang nagpapasalamat ako na hanggang ngayon, Kapamilya pa rin ako,” saad ni Bianca na nangakong ipagpapatuloy niya ang dedikasyon sa kanyang larangan.

Natutuwa rin si Bianca dahil ang ABS-CBN ang naging tahanan niya para mahasa ang kanyang talento bilang host sa loob ng 21 na taon niya sa industriya. Aniya, nais pa niyang masubukan ang iba pang klaseng hosting para palawakin ang kanyang signature hosting style.

“Gusto kong maging safe space nila. Gusto kong iparamdam na kaya nila akong pagkatiwalaan sa mga kwento nila. Hindi rin ako natatakot na subukan ang ibang format tulad ng talent competition o kaya reality show dahil game na game ako sa ibang hosting styles,” sabi niya. 

Dumalo sa contract signing sina ABS-CBN chairman Mark Lopez, president at CEO Carlo Katigbak, COO Cory Vidanes, group CFO Rick Tan, entertainment production at Star Magic head Laurenti Dyogi, at ang manager ni Bianca na si Boy Abunda. 

Sa ngayon, puspusan na ang paghahanda ni Bianca para sa ikalawang season ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition” na gaganapin ngayong taon. Abala rin siya bilang host ng iba’t ibang programa tulad ng “The B Side,” “BRGY,” at “Paano Ba ‘To,” na nanguna sa listahan ng Spotify Philippines Top Podcast chart nitong taon. 

Balikan ang “KapamILYa Forever: Network Contract Signing” ni Bianca na napapanood sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE