News Releases

English | Tagalog

Maris, kinabahan sa bakbakan kay Coco

September 08, 2025 AT 04:03 PM

Maris, Baron, Aljur, at iba pa, pasok sa bagong yugto ng “FPJ’s Batang Quiapo”

Sasabak sa mas maaksyong yugto ang mga bagong mukha na makikilala sa “FPJ’s Batang Quiapo,” at isa na rito si Maris Racal na aminadong kinabahan sa unang eksena nila ni Coco Martin.

“Actually noong day one ko, okay lang ako. Ngayon ako kinabahan kasi andiyan si Coco Martin. Meron na kaming extreme action scenes na shinoot dito. Buti na lang fresh pa ‘yung knowledge ko from my previous serye na ‘Incognito,’” ani Maris sa isang live interview sa mismong set ng serye.

Gaganap si Maris bilang isang bata at maprinsipyong pulis na makikilala ni Tanggol (Coco). Bukod dito, dapat din abangan kung magiging kakampi ba o kalaban ni Tanggol ang mga bagong karakter nina Baron Geisler at Aljur Abrenica.

“Ito ‘yung pagpasok ng mga bagong cast. Magsasama-sama at maglalaban-laban. Siguradong mag-eenjoy at maliligayahan ang ating mga manonood,” pagbabahagi ni Coco tungkol sa mga bagong mukha na mapapanood sa mga susunod na episode.

Kamakailan ay ginanap ang story conference ng “FPJ’s Batang Quiapo” para opisyal na ipakilala ang iba pang bagong karakter na gagampanan nina Roi Vinzon, Richard Quan, Perla Bautista, Via Antonio, Aleck Bovick, Criza Taa, Jeri Montano, Tita Jegs, at Ate Mrena.

Sa pagbubukas ng panibagong yugto ng serye, ano kaya ang magiging landas ni Tanggol pagkatapos ng madugong laban ng pamilya Montenegro at Guerrero para sa eleksyon? Tatalikuran ba ni Tanggol ang kanyang prinsipyo o babalik siya sa mga maling gawain?

Huwag palampasin ang maaaksyong kaganapan sa “FPJ’s Batang Quiapo,” na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWant, at Kapamilya Online Live. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Para makakuha ng updates sa “FPJ’s Batang Quiapo,” bisitahin ang batangquiapo.abs-cbn.com. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 8 PHOTOS FROM THIS ARTICLE