May mensahe ng totoong pagkakaibigan sa “Wala? Nandiyan”
Bagong friendship anthem ang handog ng Kapamilya singer-songwriter na si Trisha Denise sa awitin na “Wala? Nandiyan” tampok sina Belle Mariano at CESCA.
“It’s a new friendship anthem. I’m thankful for great friends like CESCA and Belle because they immediately said yes to sing this song with me,” saad niya sa isang post.
Isinulat ni Trisha at Dennis Campañer ang awitin na tungkol sa pagkakaroon ng totoong kaibigan sa oras ng pagsubok sa buhay. Iprinodyus ito ni StarPop label head Roque “Rox” Santos.
Sinundan nito ang kakalabas lang na single ni Trisha na “Bakit Naman Hindi?” na bahagi ng official soundtrack ng Philippine adaptation ng “It’s Okay To Not Be Okay.”
Nagsimula ang songwriting passion ni Trisha sa edad na 11 na nagdala sa kanya upang makapagsulat sa iba’t ibang OPM artists tulad nina Regine Velasquez-Alcasid, Pops Fernandez, Moira Dela Torre, at Janella Salvador.
Noong 2021, inilabas niya ang unang album na “Pieces of the Puzzles.” Kasunod nito, inilunsad niya ang mini album na “Simula ng Wakas” nitong 2023.
Available ang “Wala? Nandiyan” nina Trisha Denise, Belle Mariano, at CESCA sa iba’t ibang streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang StarPop sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.