News Releases

English | Tagalog

Donny, nadurog ang puso, namigay ng P300,000 sa kariton vendors sa "It's Showtime"

September 26, 2025 AT 11:49 AM

Nagdonate ang Kapamilya actor na si Donny Pangilinan ng PHP 300,000 para sa kariton vendors na itinampok sa segment na “Laro Laro Pick” ng “It’s Showtime” sa tulong ni Vice Ganda noong Huwebes (Set. 25).
Naantig nga si Donny sa kwento ng kariton vendors na sumali sa segment noong Miyerkules (Set.25)  kaya naman agad niyang tinawagan si Vice para mag-abot ng tulong sa mga ito.
“Tumawag talaga siya sa akin,” ani Vice. “Sabi niya, ‘Vice, nadurog ako. Hindi ko kinaya yung episode. May chance ba na makita ko sila ulit? Hindi kaya ng kalooban ko kaya gusto ko magregalo.’”
Nagbigay si Donny ng P15,000 sa bawat isa sa 20 vendors bilang maagang pamaskong handog, upang kahit papaano’y maibsan ang kanilang araw-araw na paghihirap.
Ibinahagi rin ni Vice na hindi ito ang huling tulong na manggagaling kay Donny. “Hindi lang ito ang pinangako ni Donny,” ani Vice. “Hindi lang ito ang una’t huling pagtulong niya sa atin.”
Bukod sa donasyon ni Donny, inanunsyo rin ni Vice na nakahanap na siya ng bagong tahanan para kay Nanay Rosie, isa sa mga vendor na dati’y naninirahan sa ilalim ng tulay.
Samantala, nasungkit muli ang jackpot prize na P100,000 sa “Laro Laro Pick” matapos masagot ni Nanay Edlyn ang tanong kung ilang zero ang makikita sa P1 trillion.
Higit pa sa pagiging isang programang nagbibigay saya sa mga madlang people, iginiit ni Vice na unti-unti na ring nagiging plataporma ng pagtulong ang “It’s Showtime.” Hinikayat niya ang publiko na bigyang pansin ang segment na Laro Laro Pick at suportahan ang adhikain nitong maghatid ng pag-asa at tulong sa mas marami pang Pilipino.
Makisaya sa buong pamilya ng “It’s Showtime,” 12 NN mula Lunes hanggang Sabado, sa GMA, A2Z, Kapamilya Channel,Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel. Huwag din palampasin ang “Showtime Online U” sa YouTube channel ng “It’s Showtime.”

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.