News Releases

English | Tagalog

Pag-iibigan nina Fyang Smith at JM Ibarra, magpapatuloy sa “Ghosting” part 2 ng iWant

September 19, 2025 AT 04:41 PM

Tampok ang walang kamatayang pag-ibig ng tambalang JMFyang na inaabangan ng fans online

Magpapatuloy ngayong Nobyembre ang love story ng walang kamatayang pag-iibigan nina Jaja (Fyang Smith) at multong si Wilberto (JM Ibarra) sa ikalawang yugto ng trending at pinakapinag-uusapang iWant Original series ng taon na “Ghosting” na eksklusibong napapanood sa iWant.

Inanunsyo mismo ng cast ng “Ghosting” ang balitang ito sa kanilang espesyal na guesting sa “It’s Showtime” nitong Martes (Setyembre 16), na lalo pang nagpasiklab ng excitement ng mga manonood para sa pagpapatuloy ng isa sa pinaka-pinag-uusapang iWant Originals ngayong taon.

Agad ding umani ng positibong reaksyon mula sa netizens ang kumpirmasyon, kung saan marami ang excited na masubaybayan kung saan hahantong ang pagmamahalan nina Jaja at Wilberto sa part 2 ng nasabing series.

Isa ang “Ghosting” sa pinaka-inaabangan iWant Original series ngayong 2025 matapos pumalo ng mahigit 23 million views ang mga trailer nito bago pa man ito ipalabas sa iWant. Nananatili rin ito sa Top 5 most-watched shows sa iWant sa Pilipinas, patunay ng malakas at patuloy na interes ng mga manonood.

Samantala, hindi tuluyang makatawid sa langit ang multong si Wilberto sa panibagong “unfinished business” na feelings kay Jaja. Matatandaang todo selos si Wilberto sa karibal na si Vhal (Kobe Brown), na ex-boyfriend ni Jaja, na muling nagbabalik para bumawi sa dalaga matapos niyang i-ghost ito.

Alamin sa huling episode kung saan hahantong ang pag-iibigan nina Jaja at Wilberto ngayong Sabado (Setyembre 20), 8pm sa iWant — kung mas pipiliin ni Jaja na hintayin ang tamang panahon o matutuloy ang kanilang love story sa langit kasama si Wilberto sa puntong maaksidente ang dalaga.

I-download ang iWant mula sa Google Play o Apple Store at damhin ang lahat ng feels hatid ng favorite shows mo! Available rin ang iWant via Chromecast at AirPlay.

Para sa ibang detalye tungkol sa iWant, i-follow ang official pages nito sa Facebook, TikTok, X, Instagram, at YouTube.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE