ABS-CBN, pasado sa mga dalubguro!
Kinilala ang mga bituin at awitin ng ABS-CBN sa 27th Gawad PASADO Awards ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO) na ginanap kamakailan.
Wagi ang mga bida ng “Lavender Fields” na sina Janine Gutierrez at Jodi Sta. Maria ng PinakaPASADOng Aktres sa Telebisyon na parangal, habang kinilala naman si Jericho Rosales bilang PinakaPASADOng Aktor sa Telebisyon.
Ang Kapamilya rising child star na si Zia Grace ay hinirang din bilang PinakaPASADOng Batang Aktres sa Telebisyon para sa kanyang breakout role sa “Saving Grace.”
Samantala, kapwa pinarangalan sina Francine Diaz at Seth Fedelin ng PinakaPASADOng Dangal ng Kabataan bilang pagkilala sa kanilang positibong impluwensiya sa mga kabataan.
Panalo rin bilang PinakaPASADOng Musika ang theme song ng blockbuster movie na “Hello, Love, Again” na “Palagi,” na inawit ng mag-asawang sina KZ Tandingan at TJ Monterde.
Ang PASADO ay binubuo ng mga dalubguro mula sa pampubliko at pribadong paaralan na sumusuri ng mga pelikula at serye na maaaring gamitin sa pagtuturo. Taon-taon, ginaganap nito ang Gawad PASADO Awards upang parangalan ang mga huwaran sa industriya.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.
