Baron, bugbog-sarado kay Coco; Coco at Maris, sanib-pwersa!
Mas pinalakas na maaaksyong eksena ang sasagad sa gigil ng mga manonood sa mga bagong misyon na haharapin ni Tanggol (Coco Martin) sa bagong yugto ng “FPJ’s Batang Quiapo.”
Pasabog na trailer, poster, at theme song ang inilabas ng ABS-CBN kahapon (Oktubre 6) kasabay ng pagsabak ni Tanggol sa pinaka-importanteng yugto ng kanyang buhay dahil makikipagsapalaran na siya para makamit ang hustisyang ninakaw sa kanya.
Kahit pilit niyang subukan na gawin ang tama, wanted na ngayon si Tanggol sa batas dahil sa paninira na ginawa ng kanyang mga kaaway laban sa kanya upang pabagsakin siya. Dahil dito, papalag na si Tanggol at nakalatag na ang mga plano upang linisin ang kanyang reputasyon at para iligtas ang kanyang mga mahal sa buhay na nadamay na rin sa gulo.
Sunod-sunod na engkwentro ang masasaksihan dahil susugurin ni Tanggol ang bago niyang kalaban na si Rockyboy (Baron Geisler), ang anak ng trumaydor sa kanya na si Divina (Rosanna Roces). Uusbong naman ang panibagong tandem dahil mukhang makakahanap si Tanggol ng kakampi sa baguhang pulis na si Ponggay (Maris Racal).
Ipinasilip sa trailer ang makapigil-hiningang pagsasanib-pwersa ng dalawa kung saan nakipagbarilan si Ponggay nang nakasuot ng sexy na panloob lamang habang sumulpot si Tanggol na naka-motor para iligtas siya mula sa mga armadong tauhan.
Kabilang din sa mga pasabog ng serye ay ang mainit na komprontasyon ni Rigor (John Estrada) laban kina Roberto (Albert Martinez) at Miguelito (Jake Cuenca). Nagbabadya rin ang panganib sa buhay ni Marites (Cherry Pie Picache) dahil muling sasaniban si Rigor ng kanyang selos at galit kaya ikukulong niya si Marites sa kanilang bahay.
Kamakailan may mga bagong kakampi at kalaban na pumasok sa lumalaking mundo ni Tanggol. Gabi-gabi ngang kinasasabikan ng mga manonood ang bawat episode na nagtatala ng mahigit isang milyong viewers na sabay-sabay tumututok sa Kapamilya Online Live.
Huwag palampasin ang maaaksyong kaganapan sa “FPJ’s Batang Quiapo,” na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWant, at Kapamilya Online Live. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.
Para makakuha ng updates sa “FPJ’s Batang Quiapo,” bisitahin ang batangquiapo.abs-cbn.com. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.