News Releases

English | Tagalog

Knowledge Channel, ibibida ang kalusugan ng mga chikiting sa “Gen H: Generation Healthy”

October 22, 2025 AT 12:04 PM

Katuwang ang AIA Philippines, inilunsad kasama si Naga City Mayor Leni Robredo

Mas malusog na mga chikiting ang bibida sa bagong educational health series ng Knowledge Channel Foundation, Inc. (KCFI), katuwang ang AIA Philippines, sa “Gen H: Generation Healthy,” na napapanood sa Knowledge Channel tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes, 12 ng tanghali.

Layunin ng “Gen H: Generation Healthy” na turuan ang kabataang Pinoy na nasa Grade 4 hanggang Grade 6 na mamuhay nang malusog sa pamamagitan ng tamang pagkain ng “Go, Grow, at Glow” foods kasabay ng pangangalaga sa kalikasan.

“Ang ‘Gen H: Generation Healthy’ ay hindi lang basta programa, ito ay isang kilusan para hikayatin ang mga bata na mamuhay nang mas maganda at mas malusog,” paliwanag ni KCFI president at executive director Rina Lopez.

Pahayag naman ni Naga City Mayor Leni Robredo noong inilunsad ang probrama kamakailan sa Naga Central School, “Kaisa ninyo po kami sa inyong panawagan para sa mas epektibong mga materyales para sa ating mga batang mag-aaral, dahil bilang mga magulang at mga guro, iisa lang po ang ating pangarap—ang magkaroon ng mga anak na malusog hindi lang sa katawan kundi pati na rin sa isip at sa damdamin,” ani Mayor Leni. 

Ibinahagi rin ni AIA Philippines chief marketing officer Melissa Henson ang layunin ng kanilang programa, “Sa pamamagitan ng AIA Healthiest Schools, na ngayon ay maaabot na ang mas maraming bata sa tulong ng Knowledge Channel at Gen H, tinutupad namin ang aming layunin na tulungang maitaguyod ang mga panghabambuhay na malusog na gawi.”

Abangan ang “Gen H: Generation Healthy” tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes, 12 ng tanghali sa Knowledge Channel at makiisa para sa mas malusog at mas matalinong kabataang Pinoy.

Para sa iba pang updates patungkol sa KCFI at sa mga adhikain nito, bisitahin ang official website nitong www.knowledgechannel.org o i-follow ang @knowledgechannel sa Facebook, @kchonline sa X pati @knowledgechannelofficial sa TikTok.

Para sa ibang Kapamilya updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE