Kapit-kamay haharapin nina Mia (Anne Curtis), Patrick (Joshua Garcia), at Matmat (Carlo Aquino) ang mga lihim na matagal nang nakatago at ang mga kasagutan nilang matagal ng hinahanap sa huling ilang araw ng “It’s Okay to Not Be Okay.”
Mas lumalapit na nga sila sa katotohanan lalo pa at unti-unti na nilang nalalaman ang lahat tungkol sa ina ni Mia na si Ingrid. Nitong nakaraang episode, nailahad na rin ang tunay na katauhan ni Olivia (Maricel Laxa) nang malaman ni Patrick na naging dating kasintahan ito ni Samuel (Michael de Mesa).
Gumuho rin ang mundo ni Mia nang makilala niya ang sulat-kamay ng kanyang inang si Ingrid sa mga kwentong sulat ni Eden, na nagbunyag na matagal na pala siyang nabubuhay sa ibang katauhan.
Sa kabila nito, nangako naman si Patrick na gagawin ang lahat upang protektahan si Mia kahit kapalit pa nito ang sariling buhay. Sa gitna ng takot at sakit, sabay hahanapin nina Mia at Patrick si Ingrid upang komprontahin sa kanyang muling pagbabalik.
Samantala, hinarap ni Matmat ang kanyang matagal nang trauma sa mga paru-paro at sa wakas ay nagkaroon ng lakas ng loob na iguhit muli ang mga ito—isang makabuluhang hakbang patungo sa kanyang paggaling.
Ano pa kaya ang madidilim na sikreto sa pagbabalik ni Ingrid? Hanggang saan ang kaya niyang gawin para sa mga kagustuhan niya? At makakamit ba nina Mia, Patrick, at Matmat ang katotohanan at hustisyang matagal na nilang hinahangad?
Mula nang ipalabas noong Hulyo, nanatili sa listahan ng pinakapinapanood na shows sa Netflix PH ang It’s Okay to Not Be Okay dahil sa angking galing na ipinamalas ng cast at matapang na pagtalakay sa isyu ng mental health.
Huwag palampasin ang mga huling, nakakakilabot na rebelasyon sa “It’s Okay to Not Be Okay”, gabi-gabing mapapanood sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, TV5, iWantTFC, TFC, at Netflix.
Para sa pinakabagong updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.