Mga manonood, nahook agad sa misteryo ng at pasabog na aktingan ng mga bida
Patok ang pinakabagong suspense thriller ng ABS-CBN Studios na “What Lies Beneath,” matapos nitong manguna sa listahan ng mga pinakapinapanood na TV series sa Netflix Philippines at humamig ng 517,436 peak concurrent views sa Kapamilya Online Live.
Nahook agad ang manonood sa pilot episode nang ipinasilip nito ang buhay ng magkakaibigang sina Alice (Janella Salvador), Mel (Sue Ramirez), Erica (Kaila Estrada), at Beth (Charlie Dizon) na nabago ang buhay dahil sa trahedyang kanilang sinapit 14 na taon ang nakalipas kung saan nasaksihan nila ang malagim na pagpatay sa kanilang kaibigang si Louisa. Hindi pa roon natapos ang kanilang mapait na karanasan lalo pa at pinilit sila ng buong komunidad ng Amurao na ibintang ang krimen kay Edong (Jake Cuenca).
Makalipas ang maraming taon, nagsama-sama muli sina Alice, Mel, at Beth para tuparin ang kanilang pangarap magtayo ng retirement home, habang si Erica naman ay patuloy pa rin nakokonsensya sa kanilang nagawa at piniling lumayo sa mga kaibigan . Ngunit muling mabubuksan ang mga sugat ng nakaraan ngayong babalik na si Edong upang iparamdam sa kanila ang mga dinanas niya dahil sa pagkakamali nilang idiin siya kasong hindi niya ginawa.
Unang episode pa lang ay trending at usap-usapan na online ang What Lies Beneath. Maraming netizen ang nagpahayag ng paghanga sa paraan ng pagkukwento ng serye, kung saan bawat eksena ay nagtutulak sa mga manonood na mag-isip at manghula.
“Ang galing! Masarap panoorin ‘yung kwento ng pagkakaibigang dumaan sa trauma pero patuloy na lumalaban. Sobrang husay ng @RCDNarratives sa ganitong klase ng mystery series—more of this please!” ani @dellnario.
Pinuri rin ng netizens ang maayos na pacing, mahusay na direksyon, at mahusay na casting, lalo na ang seamless transition ng nakaraan at kasalukuyan.
“RCD Narratives never disappoints! Ang ganda ng pilot episode considering di pa ganun katagal since it was shot. Maganda pacing ng flashbacks, di baduy! At perfect match ‘yung mga gumanap at younger versions, pero stand out sina Mutya, Krystal, at Allyson,” ayon kay @forkoffubiatch.
Lubos din pinuri ng manonood ang ipinakitang galing sa pag-arte ng bida na sina Janella Salvador, Sue Ramirez, Kaila Estrada, at Charlie Dizon, kasama ang kanilang younger counterparts na sina Eliza Borromeo, Reich Alim, Krystal Mejes, at Allyson McBride.
Sa pagpapatuloy ng serye, inaabangan ng mga manonood kung paano guguluhin ni Edong ang mga buhay ng Mabels at kung paano siya maghahanap ng hustisya sa mga kasinungalingang bumago sa kanilang lahat.
Huwag palampasin ang pilot week ng What Lies Beneath gabi-gabi tuwing 8:45 PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at TV5. Maari itong mapanood ng advance sa iWant, at Netflix.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom/news-releases.



