Tampok ang mga makatindig-balahibo’t nakakikilabot na kuwentong Pinoy
Muling ihahatid ng ABS-CBN ang takot at kilabot ngayong Undas sa pagbabalik ng inaabangang espesyal “Kababalaghan VII: Pagkagat ng Dilim,” na mapapanood sa Oktubre 26 (Linggo), mula 9:15pm hanggang 10:30pm sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live (KOL), at ABS-CBN News Youtube Channel.
Sa ikapitong edisyon ng “Kababalaghan,” saksihan ang mga totoong kuwentong karanasang lagpas sa imahinasyon ng karaniwang tao. Isisiwalat ni Kabayan Noli De Castro ang mga kuwentong tunay na karansan ng mga Pilipino, mga istoryang hindi basta-basta malilimutan. Mula sa mga kakaibang tunog sa gabi, hanggang sa mga multong biglang sumusulpot sa litrato, Ngayong taon, mas matindi, mas nakakakilabot, at mas kapanapanabik ang mga rebelasyong ihahatid.
Tampok rito ang tatlong nakakakilabot na istorya na tiyak magpapataas ng balahibo ng mga manonood:
Bubuksan ang mga pinto ng misteryo at katatakutan sa “Lagusan,” isang lumang bahay sa Pangasinan ang ginagambala ng mga ligaw na kaluluwa. May isang lumang salamin na sinasabing nagsisilbing daan papunta sa kabilang mundo at bawat yabag sa dilim ay tila paalala na hindi ito tuluyang abandonado. Kapag bumukas ang pinto ng kabilang mundo, may tsansa pa kayang makatakas?
Samantala, sa “Bodega,” isang pamilya sa Pampanga ang natutong huwag balewalain ang mga alaala ng nakaraan. Ang kuwartong ginawa nilang imbakan ng mga lumang gamit ay naging pugad ng masasamang espiritu. Isang paalala na ang mga memoya ng nakaraan ay dapat ng pakawalan.
At sa nakakayanig na “Photobomber,” isang simpleng groufie ang nagbunyag ng presensiya ng isang itim na nilalang sa gitna ng tawanan. Dahil ang kaluluwang nakuhanan sa litrato ay hindi ilusyon kundi isang nilalang na nananatiling nakamasid, nagpaparamdam, at nagdudulot ng takot sa tahanan nila Charlize. ’Wag kang ngumiti at baka hindi lang ikaw ang nasa larawan.
Huwag palampasin ang gabing ito ng katotohanang mas nakakatakot pa sa kathang-isip. Mapapanood unang-una sa iWant ngayong October 18.
Para sa karagdagang impormasyon at updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.