Christian At Arvery, Panalo Bilang “Tnt Duets 2” Grand Champions
Nakuha na sa wakas ng duo na OST Dreamers na sina Christian Tibayan at Arvery Lagoring ang titulo bilang mga bagong kampeon ng “TNT Duets 2” matapos ang pangalawa nilang subok sa Huling Tapatan kahapon.
Nasungkit ng mga dating grandfinalist ng “TNT School Showdown” ang pinakamataas na combined score mula sa hurados na 99.6% at tinalo ang kapwa duos na JezzIan na sina Ian Manibale at Jezza Quiogue na nakakuha ng 95.6% at PangmalaCousins na sina JR Oclarit at Mark Justo na nakakuha ng 95.4%.
Standing ovation nga ang lahat ng huradong sina Erik Santos, Ogie Alcasid, Jonathan Manalo, Nyoy Volante, Darren, Sofronio Vasquez, Kyla, Bituin Escalante, JM Yosures, and Louie Ocampo sa kanilang duet sa final round kung saan todo birit nilang kinanta hit single ni Jolina Magdangal na “Kapag Ako Ay Nagmahal.”
Hindi naman naging madali ang kanilang pagkapanalo lalo pa at pangmalakasang duet din ang pinakita nina Ian at Jezza sa kanilang bersyon ng “You’ll Be Safe Here” at ang ginawang pagkanta nina JR at Mark ng “All My Life” nina KCi at Jojo.
Bilang bagong grand champions, mag-uuwi sila ng P500,000, isang ABS-CBN Music recording contract, isang management contract sa ilalim ng Star Magic, at espesyal na tropeyo na dinesenyo ni Toym Imao. Samantala, nakakuha naman ang JezzIan ng ₱200,000 at nanalo rin ang PangmalaCousins ng ₱100,000.
Matinding labanan din ang naganap noong unang round ng Huling Tapatan kung saan ibinigay din ng duos na sina Dugong Bughaw na sina Miah at Eunice, In 2 U nina Isay at Nowi, at TNT Bestmates na sina Thor at Pia ang kanilang lahat para maka-usad sa huling round. Nakakuha naman ang bawat duo ng P50,000.
Umpisa pa lamang ng kompetisyon ay hindi na natinag at umariba sa unang pwesto sa X ang hashtag nitong #TNTDuets2AngHulingTapatan. Nagtrend din ang episode worldwide at nakuha ang ika-pitong pwesto.
Abangan simula Lunes (Enero 19) ang pagpapakitang gilas ng mga nangangarap maging singer sa bagong season ng “Tawag ng Tanghalan.”
Huwag palampasin ang pagsisimula ng bagong season ng “TNT” sa “It’s Showtime” tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 NN sa GMA, Kapamilya Channel sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Online Live (YouTube at Facebook ng ABS-CBN Entertainment), iWant, at TFC IPTV.
Mapapanood din ang hit online show na “Showtime Online U” sa It’s Showtime YouTube channel.
Para sa mga update, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), at Instagram, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom







