Serye, nakamit ang bagong online viewership record
Patuloy na sinusubaybayan ng mga manonood ang “Roja,” na umeere sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, at online, kung saan nakamit nito ang panibagong online viewership record, kasabay ng pagbubukas nito ng bagong yugto kasama ang mga bagong karakter.
Nagtala ang “Roja” kagabi (Enero 27) ng all-time high record na 620,186 peak concurrent online viewers o sabay-sabay na nanonood sa Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube, ang most-subscribed na YouTube media at entertainment channel sa Southeast Asia.
Pasabog nga ang dala ng “bagong yugto” trailer na inilabas ng ABS-CBN kamakailan kung saan tampok ang mga buwis-buhay na pagsubok na kailangan lampasan nina Liam (Donny Pangilinan) at Olsen (Kyle Echarri), lalo pa at nadagdagan ng alyansa ang mga hostage-taker at ngayon bihag ang kanilang mga biktima sa isang ospital.
Mas lalo pang iigting ang tensyon sa nagaganap na krisis sa pagpasok ng mga bagong karakter na ginagampanan nina Christian Vasquez, Iana Bernardez, Jeremiah Lisbo, Joel Molina, Mac Manicad, Miggy Campbell, at Paolo Serrano.
Kasing tindi rin ng sagupaan ang malupit na rebelasyon ni Greta (Lorna Tolentino) dahil malaki ang suspetsa niya na magkapatid sina Liam at Olsen. Pinanghahawakan kasi ni Greta ang hinalang ito matapos matuklasan ang pagiging kabit ng BFF niyang si Wendy (Janice De Belen) sa asawa niyang si Magnus (Raymond Bagatsing).
Dapat naman abangan sa mga susunod na episode kung paano muling malalagay sa peligro ang inaakala na ligtas at payapang buhay nina Liam, Olsen, at Luna (Maymay Entrata) dahil sa kalbaryo na dala ng mga hostage-taker at pagsindak ng mga ito sa awtoridad sa paglusob nila sa ospital kung saan kasalukuyang nanatili ang mga biktima ng La Playa Roja.
Aabot na rin sa sukdulan ang paghihiganti ng lider ng mga hostage-taker na si Emil (Joel Torre) dahil gagawin nito ang lahat para maibalik ang nawawalang milyones na datung na nakuha nila mula sa kanilang mga hostage.
Napapanood na ang “Roja” sa Kapamilya Channel sa ALLTV2. Buksan ang inyong digital black box, pindutin ang scan button sa remote control, at hanapin ang ALLTV2.
Napapanood na ang “Roja” gabi-gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes ng 8:45 PM sa Kapamilya Channel sa ALLTV2, A2Z, at Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook. Napapanood din ang pinakabagong mga episode ng serye 72 oras na mas maaga sa Netflix at 48 oras na mas maaga sa iWant. Maaari rin itong mapanood sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.
Para sa impormasyon tungkol sa “Roja,” bisitahin ang roja.abs-cbn.com. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.







