News Releases

English | Tagalog

Donny at Kyle, pinatindi ang sagupaan!

February 24, 2026 AT 10:14 AM

Tutukan ang huling 3 linggo ng “Roja”

Sasagarin na nina Donny Pangilinan at Kyle Echarri ang pakikipagsagupaan para sa pinakamalaki nilang laban sa mas maaksyon na huling tatlong linggo ng Kapamilya teleseryeng “Roja.”

Matinding pasabog ang hatid ng “final escape” tariler na inilabas ng ABS-CBN kamakailan kung saan masusubok ang samahan at prinsipyo nina Liam (Donny) at Olsen (Kyle Echarri) sa gitna ng tumitinding sigalot laban sa grupo ng hostage-takers sa pangunguna ni Emil (Joel Torre).

Manganganib kasi ang relasyon ng mag-inang Liam at Greta (Lorna Tolentino) matapos mabulgar na si Greta nga ang utak sa likod ng hostage-taking sa La Playa Roja. Sa kabilang banda, magtutuos na rin si Olsen laban kay Homer (Christian Vasquez), ang pinaghihinalaan niyang tunay niyang ama na kasabwat din ng kalaban.

Sa kabila ng personal na alitan, malalagay naman sa alanganin ang buhay ni Liam dahil harap-harapan siyang babarilin ni Emil para makamit na nito ang matagal na niyang inaasam na paghihiganti laban sa pamilya Roja.

Ibubuwis din nina Liam at Olsen ang kanilang buhay sa huling pagkakataon upang subukang iligtas ang mga natitirang hostage na nakakulong sa isang tunnel sa ospital na kargado ng mga bomba.

Makakamit kaya nina Liam at Olsen ang hustisya para sa bawat buhay na nawala sa nangyaring trahedya?

Para mapanood ang huling tatlong linggo ng “Roja” sa Kapamilya Channel sa ALLTV2, buksan ang inyong digital black box, pindutin ang scan button sa remote control, at hanapin ang ALLTV2.

Tutukan ang maaksyong pagtatapos ng “Roja,” gabi-gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes ng 8:45 PM, sa Kapamilya Channel sa ALLTV2, A2Z, at Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook. Napapanood din ang pinakabagong mga episode ng serye 72 oras na mas maaga sa Netflix at 48 oras na mas maaga sa iWant. Maaari rin itong mapanood sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Para sa impormasyon tungkol sa “Roja,” bisitahin ang roja.abs-cbn.com. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 6 PHOTOS FROM THIS ARTICLE