News Releases

English | Tagalog

KimPau, handog ang ibang ending at mga bagong eksena para sa TV airing ng “The Alibi”

February 17, 2026 AT 11:14 AM

Mapapanood ngayong Marso sa Primetime Bida

Muling mababalot ng misteryo ang Primetime Bida sa pagbabalik-telebisyon nina Kim Chiu at Paulo Avelino dahil mapapanood na ang “The Alibi: Ang Buong Katotohanan,” hatid ang ibang bersyon ng finale at mga eksenang hindi pa naipapakita noong nag-premiere ito sa Prime Video. 

Tiyak na itotodo ang kaba at kilig sa mga bagong eksenang ipapalabas tungkol sa nakakaintrigang pag-iibigan nina Stella (Kim) at Vincent (Paulo), kung saan hahantong ito sa mga kaabang-abang na plot twist at rebelasyon kaugnay sa totoong taong pumatay kay Walter (Sam Milby).

Naging numero unong show ito sa Prime Video Philippines noong nag-premiere ito dahil maliban sa mga misteryong bumabalot sa kwento, pinuri rin ang mas mapangahas na pagganap ng KimPau. Isa sa mga pumatok at naging usap-usapan online ay ang eksena ng sexy pole dance number ni Stella (Kim) habang namamanghang nakatitig sa kanya si Vincent (Paulo).

Bumenta rin sa mga manonood ang mga eskandalong komprontasyon nina Kim at Sofia Andres, pati na rin ang matinding girian sa pagitan nina Paulo at Sam.

Umiikot ang kwento ng “The Alibi” sa komplikadong relasyon ng escort na si Stella at sa tagapagmana ng pinakamakapangyarihan na news agency sa bansa na si Vincent.

Magbubuklod ang dalawa sa likod ng mga sikreto nang bayaran ni Vincent si Stella para tulungan siyang linisin ang kanyang reputasyon matapos siyang ituro bilang prime suspect sa pagpatay sa karibal niyang si Walter.

Tampok din sa serye sina John Arcilla, Zsa Zsa Padilla, Rafael Rosell, Robbie Jaworski, at Angelina Cruz. Mula ito sa direksyon nina Onat Diaz, Jojo Saguin, at FM Reyes.

Tuklasin ang misteryo sa “The Alibi: Ang Buong Katotohanan” ngayong Marso sa Primetime Bida.

Para sa iba pang updates sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE