News Releases

English | Tagalog

"Kasalanan" ni Mika, pinag-uusapan na

February 11, 2026 AT 09:49 AM

Mika at Anthony, action star ang atake sa MV

Ayaw paawat sa pag-arangkada ng career ang “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition” Kapuso Big Winner na si Mika Salamanca dahil matapos i-launch bilang bida sa seryeng “The Secrets of Hotel 88” ay ganap naman siyang music artist sa pag-release ng kanyang bagong awiting “Kasalanan” na bahagi ng kanyang inaabangang debut album sa ilalim ng Star Music.

Sa loob lamang ng dalawang araw, nanguna ito sa iTunes Philippines at napasama rin sa New Music Friday list ng Spotify at Billboard Philippines.

Sinulat ng Star Music artists na sina Jeremy G at Ishiro Incapas at Russu Laurente ng P-pop group na WRIVE, ang “Kasalanan” na tungkol sa pag-ibig na malaya, walang takot, at walang pakialam sa sasabihin ng iba.

“Ito rin po ay nagsisilbing love letter ko sa fans ko na simula’t sapul ay hindi ako iniwan at patuloy akong sinusuportahan sa kabila ng mga panghuhusga sa akin sa social media,” pagbabahagi ni Mika.

Agaw eksena rin ang music video ng “Kasalanan” kung saan tampok ang Kapamilya actor na si Anthony Jennings. Muling napabilib ni Mika ang kanyang mga taga-hanga sa ginawa nitong action scenes.

“Nakakakaba pero buti si Anthony ang kapartner ko dahil talagang marunong sya pagdating sa action. Inalalayan nya ako nang maigi kaya sobrang laki ng pasasalamat ko na pumayag siya maging part ng MV,” ani Mika.

Ni-launch ang “Kasalanan” sa national TV via “It’s Showtime” kung saan ginulat ni Mika ang lahat sa kanyang fierce pop star performance kasama ang Femme MNL.

Napabilang din si Mika sa “Wonderful Moments Music Festival” kasama ang mga kilalang pangalan sa industriya tulad nina Sarah Geronimo, Bamboo, Gloc 9, BINI, at Cup of Joe. 

Sinundan ng bagong Star Music release ang debut single ni Mika na “Sino Nga Ba Siya” na nanguna sa iTunes Philippines at UAE songs chart. Umarangkada rin ito sa Singapore, Cambodia, Qatar, at nakapasok sa top 10 ng Spotify Viral Songs Chart na may mahigit 5 million streams.

Nakasama naman ni Mika ang kapwa “PBB” Big Winner na si Brent Manalo para sa collaboration single na “What If Tayo?” na nanguna sa MYX Daily Top 10 at umani ng 1.1 million views sa YouTube.

Available ang bagong single ni Mika na “Kasalanan” sa iba’t ibang digital streaming platforms at napapanood ang music video sa ABS-CBN Star Music YouTube channel. Para sa karagdagang detalye, sundan ang Star Music PH sa Facebook, X (Twitter), Instagram, TikTok, at YouTube.

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE

"Kasalanan" ni Mika, pinag-uusapan na