News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN may bagong primetime teleserye: Coco at Julia sa "Sigabo"

February 20, 2026 AT 07:58 PM

“FPJ’s Batang Quiapo,” pinakapinapanood sa Pilipinas mula 2023, huling 3 linggo

 

Back-to-back ang pasabog ni Primetime King Coco Martin matapos niyang ianunsyo na pagbibidahan nila ni Julia Montes ang pinakabagong ABS-CBN primetime teleserye na “Sigabo,” kasabay nito ay ang pag-arangkada ng huling tatlong linggo ng “FPJ’s Batang Quiapo.”

 

Tuloy-tuloy na mapapanood si Coco dahil pagkatapos maghari ang “FPJ’s Batang Quiapo” bilang ang pinakapinapanood na teleserye sa Pilipinas mula 2023, may bago siyang handog sa pagbabalik-tambalan nila ni Julia para sa action-romance seryeng “Sigabo” na magsisimulang umere sa Marso 16 (Lunes).

 

“Naghihintay ako ng right project para sa pagsasama namin ni Julia. Si Juls ngayon, pukpukan ang training. Nag-aaral siya ngayon ng sa baril, ng fight, sa motor. Inakma namin ‘yung kwento na talagang fit para sa amin, sa estado namin ngayon. First time namin magla-light. Pasasayahin naman natin ‘yung mga tahanan gabi-gabi,” pahayag ni Coco sa “TV Patrol” noong Biyernes (Pebrero 20).

 

Nagpatikim din siya sa mga dapat abangan sa serye at sinabing, “Halos lahat ng mga kasama namin mga comedian. Tapos episodic siya, iba-ibang kwento, iba-ibang mission. Para iba-ibang experience every week.”

 

Kasabay ng pagbuo ng pasabog na opening ng “Sigabo,” binalikan din ni Coco ang masasayang alaala sa pagtatapos ng “Batang Quiapo.”

 

“Nung ginalaw ko na ‘yung kwento, ginalaw ko na ‘yung mga character, naramdaman kong parang hanggang dito na lang ‘yung takbo ng buhay ni Tanggol sa Quiapo. Ang hirap lumabas sa bibig, ang hirap tanggapin din na matatapos na,” sabi niya.

Dagdag pa niya, “Salamat po sa tatlong taong pagsuporta at pagmamahal ninyo sa ‘Batang Quiapo.’ Nagiging emotional ako kasi hirap na hirap talaga kami. Sobrang hirap talaga ng paggawa ng ‘Batang Quiapo.’ Hindi lang ang pagbuo, kundi ‘yung pag-arte. All aspects of the crew, directors, at production.”

 

Personal din na inimbitahan ni Coco ang lahat na samahan siya sa “Ang Huling Laban ni Tanggol” finale ng “FPJ’s Batang Quiapo” dahil raratsada na ang pinakamaaksyon nilang bakbakan.

 

“Sana po samahan niyo kami, pinapangako po namin sa inyo na sa loob ng tatlong taon, itong tatlong linggong ito ay isa ito sa hindi niyo malilimutang teleserye na mapapanood ninyo gabi-gabi,” aniya.

 

Sa nakalipas na mahigit tatlong taon, pumukaw sa puso’t damdamin ng sambayanang Pilipino ang “FPJ’s Batang Quiapo” kung saan tinutukan ang serye saan mang plataporma ito umere sa TV at online, pati noong nag-premiere ito sa ALLTV2 noong Enero.

 

Bumabaha rin sa social media ang mga viral na eksena at iconic lines mula sa serye at paulit-ulit nitong sinira ang sarili nitong online viewership record na umabot sa all-time high na mahigit isang milyong concurrent viewers.

 

Para mapanood ang huling tatlong linggo ng “FPJ’s Batang Quiapo” sa Kapamilya Channel sa ALLTV2, buksan ang inyong digital black box, pindutin ang scan button sa remote control, at hanapin ang ALLTV2.

 

Sabay-sabay tutukan ang  “Ang Huling Laban ni Tanggol” finale ng “FPJ’s Batang Quiapo,” at abangan ang “Sigabo” na pinagbibidahan nina Coco at Julia simula Marso 16.

Para makakuha ng updates sa “FPJ’s Batang Quiapo,” bisitahin ang batangquiapo.abs-cbn.com. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE

ABS-CBN may bagong primetime teleserye: Coco at Julia sa "Sigabo"