“Call Me Mother,” magsisilbing opening film ng filmfest
Pasok ang dalawang pelikula ni Vice Ganda, ang “And The Breadwinner Is…” at “Call Me Mother,” sa unang edisyon ng Philippines-Japan Film Festival 2026 na gaganapin sa Tokyo. Ito ang kauna-unahang beses na lalahok ang aktor sa isang international film festival.
Natutuwa si Vice na napili ang kanyang mga pelikula sa naturang filmfest, kung saan magsisilbing opening film din ang hit comedy-drama na “Call Me Mother.”
“Nasorpresa ako. Akala ko isa lang ‘yung entry ko. Nakakatuwa na dalawang pelikula pala ang entries ko,” sabi niya sa panayam ng “TV Patrol” bago siya lumipad patungong Japan.
Hangad ng Unkabogable Star na maging daan ito para ipakilala ang kwentong Pilipino at kultura sa mas madaming manonood abroad.
“Magandang opportunity para sa Filipino movies na makita ng ibang lahi at para ma-appreciate nila. Para maka-penetrate tayo dahil ‘yun naman ang gusto natin, maging global,” pagbabahagi niya.
Dagdag pa ni Vice, “Marami silang pwedeng makuha doon sa pelikula natin. Sa kultura natin meron silang maaaring madiskubre, marami silang pwedeng malaman tungkol sa kaganapan ng mga Pilipino.”
Ang dalawang pelikula ay mula sa direksyon ni Jun Robles Lana at naging bahagi ng Metro Manila Film Festival.
Umiikot ang “And The Breadwinner Is…” sa pamemeke ng sariling pagkamatay ng OFW breadwinner na si Bambi (Vice) bilang sakripisyo upang tulungan ang pamilya na lubog sa utang. Ang “Call Me Mother” naman ay kwento ng queer mother na si Twinkle (Vice), kung saan masusubok ang relasyon niya sa kanyang ampon nang pumasok sa buhay nila ang totoong nanay ng bata upang makuha ang kustodiya ng kanyang anak.
Inilunsad ngayong taon ang Philippines–Japan Film Festival bilang bahagi ng pagdiriwang ng 2026 Philippines–Japan Friendship Year, na naglalayong itampok ang ugnayang pangkultura sa pagitan ng dalawang bansa.



