News Releases

English | Tagalog

“PBB Celebrity Collab” housemates, muling magsasama sa "The Secrets Of Hotel 88" Ng GMA Network at ABS-CBN

February 07, 2026 AT 07:41 AM

Hatid ng GMA Network at ABS-CBN ang “The Secrets of Hotel 88,” isang suspense family drama series tampok ang muling pagsasama-sama ng housemates ng Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 1. Mapapanood ang serye simula Marso 2 sa GMA Prime 9:35PM, at streaming naman ito sa iWant simula Pebrero 23.

Bibida sa “The Secrets of Hotel 88” ang Big Winners na sina Mika Salamanca at Brent Manalo, kasama ang housemates na sina AZ Martinez, Ralph De Leon, River Joseph, Klarisse De Guzman, Esnyr Ranollo, Xyriel Manabat, Josh Ford, Kira Balinger, Dustin Yu, Bianca De Vera, at Will Ashley. Iprinoduce ng Star Creatives, ang “The Secrets of Hotel 88” sa direksyon ni Henry Quitain.

Iikot ang kuwento sa magkakapatid na Fernandez—Gio (Brent), Martin (Ralph), at Francis (Will)—na muling pinagtagpo ng tadhana matapos ang misteryosong pagkamatay ng amang hindi nila nakilala. Magbabago ang kanilang mga buhay nang malaman nilang mamanahin nila ang Hotel 88, isang dating marangyang hotel na puno ng nakatagong sikreto.

Ngunit agad na kwe-kwestyunin ang kanilang pagmamay-ari sa hotel ng makapangyarihang pamilyang Almazan, na pinamumunuan nina Luna Almazan (Mika), Leon Almazan (River), Jade Almazan (Bianca), at Justin Almazan (Josh). Dito nagsimula ang isang matinding sagupaan ng kapangyarihan, katapatan, at katotohanan—kung saan pabago-bago ang mga alyansa at ang mga lihim ay may kakayahang wasakin ang dalawang pamilya.

Sa pagpapatuloy ng kanilang pakikipaglaban sa pagmamay-ari ng hotel at sa pagtuklas sa mga sikretong nakapaloob dito, abangan kung ano ang papel nina Sari (AZ), Edward (Dustin), Raphie (Esnyr), Monette (Klarisse), Cheska (Xyriel), and Trixie (Kira) sa buhay ng dalawang pamilya at kung ano ang nagdala sa kanila sa Hotel 88. 

Kabilang din sa serye ang mga beteranong aktor na sina  Dominic Ochoa, Gardo Versoza, and Ina Raymundo. 

 

Huwag palampasin ang premiere ng “The Secrets of Hotel 88” simula Marso 2 sa GMA Prime at Kapuso Stream 9:35 PM, at GTV tuwing 11:25 PM mula Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood din ito sa GMA Pinoy TV, at streaming naman sa iWant simula Pebrero 23.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE

“PBB Celebrity Collab” housemates, muling magsasama sa "The Secrets Of Hotel 88" Ng GMA Network at ABS-CBN