Napapanood na sa Dubai One kasama ang iba’t ibang western series…
Muling nagmarka ng panibagong international milestone ang ABS-CBN matapos maging kauna-unahang Pinoy teleserye ang “2 Good 2 Be True” na umeere sa free-TV channel saMiddle East sa pamamagitan ng Dubai One noong Pebrero 16.
Naitapat ang pag-ere ng serye sa panahon ng Ramadan—isa sa mga major television season sa rehiyon.
Mapapanood ang teleserye sa English-dubbed format na may Arabic subtitles. Mayroon din itong replay telecasts araw-araw tuwing 10 AM at 4 PM.
Ang Dubai One, na pagmamay-ari ng Dubai Media Incorporated, ay isang nangungunang English-language free-to-air channel na napapanood sa Middle East at North Africa. Karaniwang tampok sa line-up nito ng mga serye at pelikula mula sa United States, United Kingdom, Australia, at iba pang pangunahing English-language markets.
Pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, sinusundan ng serye ang kuwento ni Eloy, isang mekaniko at law student na determinadong linisin ang pangalan ng kanyang ama, at ni Ali, isang mapagkalingang nurse na nangangarap maging doktor. Ang kanilang kwento na puno ng pag-ibig, pag-asa ay tumatak sa mga manonood sa Philippines, kaya naman nanatili ang palabas sa Top 10 ng Netflix Philippines sa loob ng 32 sunod-sunod na linggo.
Pinalalakas din nito ang presensya ng ABS-CBN sa Middle East. Noong 2024, ang “A Soldier’s Heart” ang naging unang Filipino series na inilabas sa Arabic-dubbed version sa pangunahing video-on-demand platforms sa rehiyon.
Sa mahigit 50,000 oras ng content na naibenta sa higit 50 bansa sa buong mundo, patuloy na pinapalawak ng ABS-CBN ang global reach ng Filipino storytelling—pinatutunayan na kayang makipagsabayan ng mga kuwentong Pilipino sa pinakamalalaking entablado ng mundo.
Bisitahin ang internationalsales.abs-cbn.com para sa karagdagang detalye tungkol sa ABS-CBN International Distribution. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.


