Patuloy na tinatangkilik ng mga manonood sa telebisyon at streaming platforms ang hit drama series ng ABS-CBN na “What Lies Beneath,” matapos nitong manatili sa most-watched shows ng Netflix Philippines at iWant sa huling tatlong linggo nito.
Mula nang umere ang serye, lalo pang dumami ang mga tagasubaybay na nabighani sa magandang kuwento nito at sa matinding pagganap ng cast habang paisa-isang nabubunyag ang madilim na katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Louisa (Mutya Orquia). Pinuri rin ng netizens ang serye dahil sa matapang nitong pagtalakay sa mahahalagang isyung panlipunan, lalo na sa pagsusulong ng karapatan at tinig ng kababaihan.
Sa inilabas na finale trailer, ipinakita kung paano magtutulungan sina Mel (Sue Ramirez), Alice (Janella Salvador), Beth (Charlie Dizon), at Erica (Kaila Estrada) upang mapahinto si Edong sa kanyang paghihiganti at tuluyang matapos ang kanilang bangungot.
Ngunit lalong titindi ang tensyon dahil determinado si Edong na iparanas sa kanila ang sakit at pagkawala na kanyang tiniis sa loob ng 14 na taon.
Sa nalalabing tatlong linggo, asahan ang sunod-sunod na rebelasyon, matitinding komprontasyon, at mga lihim na babago sa kapalaran ng bawat karakter. Matutunton na kaya nila ang tunay na pumatay kay Louisa at makahanap kaya sila ng solusyon para wakasan ang paghihiganti ni Edong?
Tutukan ang papalapit na kapana-panabik na pagtatapos ng serye Lunes hanggang Biyernes, 9:30 PM sa Kapamilya Channel sa ALLTV2. Mapapanood din ito sa Kapamilya Online Live, A2Z, iWant, at Netflix Philippines.
Para sa pinakabagong balita at updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang ABS-CBN Newsroom.







