Concert bilang pagdiriwang ng ika-15 taon niya sa industriya, kasado na
Bahagi na ang Power Diva na si Angeline Quinto ng talent management arm ng ABS-CBN Music na One Music Management habang nagbabalik naman siya sa record label na Star Music.
Opisyal na naganap ang kanyang contract signing noong Martes (Marso 25) sa ABS-CBN kung saan inanunsyo rin na ipagdiriwang niya ang ika-15 taon sa industriya sa pamamagitan ng isang anniversary concert.
Si Angeline ay sumikat bilang Queen of Teleserye Theme Songs at boses sa likod ng hits na “Hanggang Kailan Kita Mamahalin,” “Lipad ng Pangarap,” “Pangarap Ko Ang Ibigin Ka,” “Patuloy ang Pangarap,” at iba pa. Sa ika-15 taon niya bilang singer-actress, ibinahagi niya ang pagnanais na patuloy maghatid ng inspirasyon sa kanyang fans.
Aniya, “Napa-proud ako sa sarili ko anuman ang nangyari sa loob ng 15 years na yun, mas naging matibay ako, mas naging strong ako, mas naging powerful ako. Kung anuman yung nilu-look forward ko pa na para sa career ko ay yung makapagbigay pa ako ng mas malaki at maraming, maraming inspirasyon sa mga taong napanghihinaan ng loob para sa mga pinapangarap nila.”
Kasama sa contract signing event sina ABS-CBN Music and Integrated Events head Roxy Liquigan, ABS-CBN Music creatives, content, and operations head Jonathan Manalo, Star Music label head Andie Arellano, at ang co-manager ni Angeline at KreativDen president at CEO na si Kate Valenzuela.
Bukod sa concert na kasado na sa Agosto 22 sa Araneta Coliseum, nakatakda ring maglabas ng original songs si Angeline. Nakapag-rekord na rin siya ng bagong theme song para sa isang teleserye ng ABS-CBN.
Patuloy na napapanood si Angeline sa “ASAP.” Nagsilbi rin siyang panelist ng “Your Face Sounds Familiar” at judge sa “Idol Kids Philippines.” Naging bahagi rin siya ng Philippine adaptation ng “What’s Wrong with Secretary Kim.”
Abangan ang mga bagong proyekto ni Angeline sa ilalim ng Star Music at One Music Management. Para sa karagdagang detalye, sundan ang Star Music PH sa Facebook, X (Twitter), Instagram, TikTok, at YouTube.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.




