News Releases

English | Tagalog

Coco long hair, Julia astig sa unang pasilip ng "Sigabo"

March 06, 2026 AT 12:00 PM

Aksyon, kilig, at komedya, handog ng CocoJul!

 

Patok sa fans ang unang pasilip na behind-the-scenes ng bagong awrahan nina Coco Martin at Julia Montes para sa inaabangan nilang Kapamilya primetime teleseryeng “Sigabo,” na mapapanood na ngayong Marso 16 (Lunes).

 

Umani ng positibong reaksyon mula sa netizens ang “first look” ng pictorial tampok ang astig na pormahan ng CocoJul na parehong nakasuot ng leather jacket, may hawak na mga baril, at abot langit ang mga ngiti. Ginulat din ni Coco ang fans sa kanyang bagong look na naka-long hair, habang palaban din si Julia na nakasakay ng sports car. 

 

Sa ginanap na story conference ng serye, ibinahagi ni Coco na excited na siyang maghandog ng panibagong kwento na tiyak na ikatutuwa ng pamilyang Pilipino. Iba’t ibang misyon ang mapapanood kada linggo na may halong aksyon, comedy, at romance kasama ang star-studded na cast.

 

“Pinaghandaan ko dito ‘yung creative. Sinigurado namin na iba at bago ‘yung kwento. Para bago naman ‘yung maihahain natin sa mga manonood. Sa ‘Batang Quiapo,’ pinalibutan ko talaga ‘yan ng dramatic and veteran actors. Ngayon ibang kombinasyon naman. Gusto ko papalibutan ko dito ‘yung mga comedian na actor,” sabi ng Primetime King.

 

Ipinagmamalaki naman ni Julia ang bago nilang palabas lalo na’t si Coco mismo ang nagbuo ng orihinal na konsepto ng serye.

 

“I’m proud to be part of the show. Excited ako and looking forward sa mangyayaring journey ng bawat isa dito sa show,” aniya.

 

Pagpapatuloy pa ng aktres, “Very proud ako kay Coco kasi this time, ito talaga ang dream ko for him. Original na ‘yung story niya na maaangkin niyang kanya talaga.”

 

Sabay-sabay tutukan ang “Sigabo” simula Marso 16 (Lunes) ng 8 PM sa Kapamilya Channel sa ALLTV2, A2Z, iWant, at Kapamilya Online Live. Napapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE

Coco long hair, Julia astig sa unang pasilip ng "Sigabo"